|
Ang Susmaryosep ay pinagsama-samang apat na kuwento tungkol sa tatlong pari at isang
seminarista. Bagama't walang kaugnayan ang mga kuwentong ito sa isa't isa, ang apat na naturingang tauhan ay kapwa nagtataglay ng isang bagay: problema sa kanilang bokasyon.
Ang isang pari'y bakla, ang ikalawa'y hindi makapagpatawad sa amang naligaw ng landas, ang ikatlo'y binalikan ng dating kasintahan kung kanino pala siya ay may anak, at ang
seminarista nama'y nakikipagligawan sa isang madreng maldita.
Hindi matarok ng CINEMA kung papaano nakapasok ang Susmaryosep sa isang dapat ay
kagalang-galang na film festival. Sa aming pananaw, tanging ang mga pinakamagagaling na pelikula lamang ang nakakapasok sa mga film festivals. Wala kaming nakitang
galing na pang-festival sa diumano'y comedy na Susmaryosep. Kulang sa hasa ang pag-arte: kung hindi over-acting, mali ang timing. Nakakabagot ang dialogue: isinaulo ngunit hindi isinapuso, kaya't hilaw ang pagbigkas. Pagdating sa screenplay (hikab,
hikab!): huwag na tayong maghanap ng kabuluhan sa isang pelikulang ginagawang katatawanan ang mga bagay na tungkol sa Diyos.
Ang nararapat marahil na pagtuunan ng pansin sa pelikulang Susmaryosep ay ang motibo ng
mga may-gawa nito. Kung gusto lamang magpatawa ng direktor at hangad lamang na kumita ng prodyuser sa paggawa ng isang komedya, bakit naman kaya ang napili pang paksa ay ang
mga problema ng kaparian? Kung nais naman nilang "makatulong" sa simbahan o sa tao, disin-sana'y dinibdib nila ang napili nilang paksa, pinag-aralan, ipinagdasal bago
isinapelikula at inilahad sa paraang makatarungan. Kung huhusgahan natin ang "bunga" ng kanilang pagpapagod, mukhang hindi nangyari ang nararapat. Sa halip na ipakita ang
ipinagpapalagay nilang mga problema sa paraang nakatutulong sa pag-ayos ng mga ito, ginawa nilang katawa-tawa ang lahat. Hindi nakatutuwa ang katawa-tawa, at wala itong
kabutihang nagagawa. Mababaw at salat sa katuwiran ang pagsasalarawan ng mga tauhang-simbahan (mga pari, seminarista at madre) sa Susmaryosep; ang kakulangan sa
pananaliksik ay pinunuan ng eksaherasyon. Resulta: mga karikaturang di kapani-paniwala. Anumang kalabisan at kawalan ng katuwiran ay nakapipinsala. Sapagka't ekseherado at
walang katuwiran ang Susmaryosep, walang matinong tao ang maniniwalang may kabuluhan ang pelikulang ito.
(Date reviewed: December 27, 2001)
|