|
Napilitang umuwi ng Cotabato mula sa Maynila ang Muslim na doktor na si Ahmad (Cesar Montano)
nang mapatay ng balang ligaw mula sa mga vigilantes ang kanyang anak na si Ibrahim. Hinamon din si ahmad ng kanyang kapatid na nakatatanda, si Musa (Noni Buencamino) na
makipaglaban tungo sa paglaya ng Mindanao, ngunit ipinagmatigas ni Ahmad ang paninindigan niyang manggamot sa halip na pumatay ng kapwa. Upang ipagpatuloy ang kanyang gawain
bilang isang doktor sa Philippine General Hospital at takasan ang kaguluhan sa Mindanao, sinikap himukin ni Ahmad ang kabiyak na si Fatima (Amy Austria) at ang inang si Farida
(Caridad Sanchez) upang manirahan sa Maynila ngunit tumanggi ang mga ito. Napilitang manatili sa Mindanao si Ahmad sa piling ng kanyang pamilya, kasama ng pamangkin niyang si
Rashid (Carlo Aquino) na sinasanay na maging mandirigma ng ama nitong si Musa, at ni Francis (Jiro Manio), isang batang katoliko nahiwalay sa mga magulang nang magkagulo gawa
ng bombahan sa may palengke. Sa bagong papel niya bilang pinuno ng isang komunidad, natuklasan ni Ahmad ang paghihirap ng kanyang kapwa Muslim na sibilyan na lagi na lamang
naiipit sa digmaan ng mga Moro at militar at tumatakas upang maghanap sa tahimik na matitirahan.
Dalawang paraan ang maaaring gawing pagsuri sa Bagong Buwan: bilang isang pelikula na
katha ng sining, at bilang isang misyon na bunga ng pananalig.
Makatotohanan at damang-dama ang pagkakaganap ng mga artista sa Bagong Buwan; akma sa
bawat aktor ang kani-kaniyang papel na ginagampanan. Mapupuna din ng mga nakakaalam na wasto at batay sa katotohanan ang pagsasalarawan ng buhay at kultura ng Muslim.
Kahanga-hanga ang layunin ni direktor Diaz-Abaya at ng producer (Bahaghari Productions) na maglabas ng isang pelikulang sasalamin sa kalagayan ng mga sibilyang Muslim
na siyang mga biktima ng digmaan sa Mindanao. Ninais ipakita ng may mga gawa ng Bagong Buwan na may likas kabutihan din ang mga Muslim, na di sila ang masasamang-loob
lagi na lamang isinasalarawan ng media bilang mga huramentado o panatiko. "Sa pelikula man lamang na ito ay maidiin naming na kailangan ang pagkakaunawaan upang
magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao at pagkakaisa sa ating bansa," ani Diaz-Abaya. Dala ng masidhing paniniwala nito, nakisalamuha ng maraming buwan si Diaz-Abaya sa mga
Muslim sa Mindanao; pinag-aral din niya ang mga pangunahing artista ng Bagong Buwan sa kultura at relihiyon ng mga Muslim. At ito na nga ang ibinunga: isang pelikulang
punong-puno ng damdamin, naghahayag sa pananaw ng mga kawawang Muslim.
Nababakas sa pelikula ang tindi ng damdamin ni Diaz-Abaya gawa ng mga natuklasan niya sa
Mindanao (at marahil, sa kanya na ring sarili dahil dito). Tila labis siyang naantig ng kanyang bagong kaalaman, tuloy, nagkulang sa "lamig" ang kanyang paghawak sa pelikula
bilang sining: nahirapan siyang kumalas sa damdamin ito'y mababakas sa ilang mga kakulangan sa pelikula—kakulangang dapat sana'y nakatulong sa kanyang layunin kung napunuan
lamang. Halimbawa, nalimutan yata niyang ang mga karaniwang manonood ay wala halos nalalaman sa relihiyon ng Muslim, at hindi maunawaan ang ilang mga katagang lagi nilang
sinasambit tulad ng "Insha Allah", "Ilhamdul Allah", at iba pa. Sa ikaliliwanag sana ng isipan ng manonood na Kristiyano, nagamit sana ang kakulitan ng batang karakter na si
Francis upang iparating sa manonood ang ibig sabihin ng mga katagang yaon at ano ang kabuluhan ng mga iyon sa puso't diwa ng mga Muslim.
Sayang din at hindi ganap na naipakita ang likas na kagandahan-loob ng Kristiyano, para man
lamang ipahatid sa mga Muslim na manonood na hindi kasuklam-suklam ang lahat ng Kristiyano (tulad din ng pagkakakilala ng mga Muslim gawa ng hirap na dinadanas nila sa kamay
ng ilang Kristiyanong sundalo). Bagama't may isang mabuting Kristiyanong sundalo sa Bagong Buwan, si Tenyente Ricarte (Jericho Rosales), halos ay napawalang-halaga ito
ng isang pangungusap mula kay Ahmad para kay Ricarte: "Bago ka pa siguro dito ano? Mabait ka pa sa Muslim eh!" May ilan pang mga nasayang ding pagkakataon ang pelikula upang
pawiin ang sama ng loob ng Muslim laban sa Kristiyano—kung naging higit na balanse lamang sana ang pagtingin ng director sa kalakhan ng sitwasyon saMindanao. Kung hangad
mong maging isang tulay sa pagkakaunawaan, alalahanin mo na ang tulay ay nagdudugtong sa dalawang panig at hindi kumikiling sa iisa, sapagkat ang tulay ay namamagitan, at ang
pamamagitan ay isang malaking pananagutan.
Sa kabila ng mga naturang kakulangan ng pelikula, kinikilala pa rin ng CINEMA ang kadakilaan
ng hangarin ni Diaz-Abaya at ng Bahaghari Productions sa pagsasagawa ng Bagong Buwan. Kapuri-puri na ang unang malaking hakbang sa larangan ng pelikula tungo sa
ikapagkakasundo ng Muslim at Kristiyano sa ating bayan ay nagmula sa mga Kristiyano. Inako ni Diaz-Abaya, isang Katoliko, ang misyon ng kapayapaan at tinaya ang kanyang
luklukan sa sining ng pelikula upang matupad ang layon niyang pagkakasundo. Bilang pelikula, ang Bagong Buwan ay binibigyan naming ng tatlo't kalahating bituin; bilang
isang maka-Diyos, makabayan at makataong misyon, apat na bituin.
(Nirebyu: Disyembre: 27, 2001)
|