|
Magkaklase sila Ellen (Nini Jacinto) at Brian (Francis Enriquez). Sa paniwala ng kanilang
mga kaklase, sadya lamang nakaririwasa sa buhay ang dalawa, nagbibihis ng mamahalin, may sari-sariling kotse, maganda ang bahay; sa madaling salita, buhay mayaman. Ang
totoo, si Ellen ay "alaga" ng abugadong si Meliton Lanuza (Mike Magat), samantalang si Brian ay "alaga" naman ng mayamang si Donya Laura Mendoza (Alma Soriano). Parehong
nagpapanggap na mga kapatid ng kani-kanyang mga "alaga" ang sugar mommy at sugar daddy na si Laura at Meliton. Nagkaibigan si Ellen at si Brian, at palihim na
nagtatagpo hanggang sa mabunyag ang kanilang relasyon.
Iisang kataga lamang ang naaakma tungkol sa acting, sa dialogue, sa sounds, sa lighting at sa screenplay ng
Dalawang Pisngi ng Langit: pangit. Ang buong pelikula'y parang eksperimento lamang ng mga bagito, at tila binuo nang walang pakundangan sa katalinuhan ng
manonood. Kung sabagay, sa pamagat pa lamang ay dapat mahulaan na ninyo kung ano ang laman ng pelikula. Dalawang bagay ang ibig sabihin ng "pisngi ng langit" sa
Tagalog: ang dalawang malamang bahagi ng puwit, at ang dalawang kabiyak ng ari ng babae. Bagama't hindi ipinakikita ang mga bahaging ito ng katawan, malinaw na ang
tangka ng mga prodyuser ng Pisngi… ay gamitin ang katawan ng babae upang iluklok na naman sa trono ang "bomba". May istorya sana ang Pisngi…,
may leksiyon sana, pero dahil sa napakahahabang eksena ng hubaran, halikan at pagtatalik, lumalabas na masyadong itinataas ng pelikula ang halaga ng pag-ibig na seksuwal. Ang mga eksenang seksuwal lamang ang mukhang pinagmalasakitan ng kameraman upang pagandahin ng kaunti—ngunit sa ibang bahagi ng pelikula, hindi lamang aesthetics ang nalimutan ng direktor kundi pati na rin common sense.
Halimbawa, halos lahat ng eksena ay nilamon ng mga pangunahing artista: sila lamang ba ang mga tao sa mundo nila? Bakit walang pamilya, kapitbahayan, komunidad?
Ang nakakabagabag pa sa pelikulang ito ay ang pagkakapresenta ng pagtatalik bilang karaniwang
bahagi na ng buhay ng di pa nakakasal. Isinasalarawan ang sexual attraction bilang isang makapangyarihang puwersa na di matatanggihan o matatalikuran: nagkadikit lamang sa sayawan, nagkatitigan, naghalikan, at ang sumunod na eksena'y magkasiping na sa kama, nagtataksil na sa kani-kaniyang mga kalaguyo. Nakakabagabag din na ang pera at ambisyon ay ginagawang dahilan upang pawalang halaga ang dangal at katapatan: dahil nagnanasa ng marangyang buhay, ginagawang pambayad ang katawan sa may pera. Oo nga't siningitan ng kaunting relihiyon, ng kaunting konsiyensya, ang istorya, marahil sa tangkang "iligtas" nito ang buong pelikula, ngunit nagmukha lamang kakatwa ang pananalig sa kalagitnaan ng kalaswaang ipinakikita ng kabuuan ng pelikula. Kung mayroon mang "kabutihan" na magagawa ang panonood ng
Pisngi…, iyon ay para ipamukha sa madla ang nakapanlulumong kalagayan ng mga batang artistang babae sa Pilipinas ngayon: papaano humantong sa ganito ang kanilang
gawain, na wala nang hiyang naghuhubad at nakikipagtalik sa harap ng kamera upang kumita ng pera?
(Date reviewed: December 14, 2001)
|