|
Si Sarhento Felix Mercado (Lito Lapid) ay nalinlang upang sumanib sa isang 'misyon' ng anim
niyang kapwa-sundalo. Huli na nang malaman niyang ang naturang misyon ay pagdarambong ng bangko. Sa pakikipagsagupaan nila sa mga pulis, si Felix lamang ang nasugatan at
nahuli. Nilitis siya sa hukuman at napatunayang nagkasala. Samantalang si Felix ay nasa bilangguan, nabatid niya na ang maybahay niyang si Norma (Via Veloso) ay ginahasa at
pinatay ni Paulo (Emilio Garcia), ang nabigo nitong manliligaw. Bukod dito, ang kapatid ni Norma ay pinagsamantalahan din ng mga kasamahan ni Paulo. Nakatakas sa bilangguan si
Felix at sinumpang maghihiganti.
Ang plot ay gasgas na at pangkaraniwan ngunit balewala ito sa mga tagahanga ni Lito Lapid. Nanonood sila upang makita ang pakikipagsapalaran ng kilalang aktor na ngayo'y gobernador na ng Pampanga. Nais nilang mapatunayang muli ang kahusayan at kadalubhasaan nito sa martial arts,
ang bilis sa paggamit ng baril, ang mga mapanganib nitong stunts. Hindi binigo ni Lapid ang kanyang mga tagahanga; maging ang ibang mga pangunahing artista'y magaling
din nagampanan ang kanilang mga papel. Mahalagang banggitin si Emilio Garcia bilang kapani-paniwala at nakasusuklam na kontrabida, at ang batang artista na napakahusay
magsalita. Maayos ang sinematograpiya. Matutuklasan ng mga manonood, lalo na ng taga-lungsod, na marami palang kagandahang mamamalas sa kapaligiran ng Pilipinas. Kahanga-hanga
ang mga kuha ni Rex de Leon, lalo na ang pagkakalarawan ng simple at mapayapang daigdig ni Felix sa kabukiran, kabaligtaran ng magulo at mapanganib na buhay sundalo niya.
Bukod sa mga tanawin, ipinakikita rin ang magagandang kaugaliang Pilipino: ang pagkakaisa ng
pamilya, ang pagmamahalan at pagtataguyod sa isa't isa, kasama na ang mga nakatatanda at kabataan, ang pagiging tapat sa asawa, at kahandaan sa paggawa, maging trabahong
manwal. Subalit may mga ipinamalas ding kapangitan ang pelikula na: ang paglabag sa kababaihan tulad ng panggagahasa, mga pagpatay na nakapagpapababa sa halaga ng buhay. Dapat
lamang bigyan ng katarungan ang isang taong nilapastangan, ngunit hindi niya dapat pangunahan ang batas. Mayroon tayong hukuman at higit sa lahat, hindi natutulog ang Diyos.
Bagama't naibigan ng mga tagahanga si Lapid dahil sa kanyang pakikipagsapalaran, hindi makakabuti ang labis na paglalantad sa karahasan bilang libangan sapagka't ito'y
nakamamanhid sa damdamin ng tao.
(Date reviewed: September 21, 2001)
|