|
Nang sila ay maulila, ipinangako ni Vanessa (Assunta del Rosario) na hindi ihihiwalay sa
kanyang piling ang kapatid na si Nikka (Alessandra de Rossi), isang dalagitang kulang sa pag-iisip. Kahit hindi angkop ang kapaligiran ng squatters area sa pag-hubog
kay Nikka, ibig patunayan ni Vanessa sa DSWD na kaya niyang buhayin at gabayan ang kapatid. Dalawa ang mangingibig ni Vanessa, ang taxi driver at police asset na si
Oliver (Wendell Ramos), at si Uno (Jay Manalo) na bodyguard ng isang pinuno ng sindikato sa Pier. Sino sa dalawa ang pipiliin ni Vanessa na magbibigay ng pagmamahal
hindi lamang sa kanya kundi para rin kay Nikka? Sa kanyang pagpili, isang di-inaasahang trahedya ang naganap.
Napapanahon ang pelikulang Hubog pagkat tinatalakay nito ang buhay sa lipunan ng mga
mahihirap. Masinop na sinuri ni Lamangan ang buhay ng mga tauhan sa lipunang kanilang ginagalawan at matagumpay itong naisalin sa pelikula. Ang mga eksena sa squatters area ay likha ng isang mahusay na sinematograpiya at kahanga-hangang production design. Masasabing makasining ang mga sex scenes at
makatotohanan ang pagtalakay sa buhay ng mga kriminal. Ngunit ang kahusayan ng Hubog ay ang pagkaganap ng magkapatid na de Rossi at pagkakadirihe ng dalawang ito.
Malayo ang mararating ng magkapatid kung makasining at hindi exploitation ang paiiralin sa kanilang pagganap.
Ang Hubog ay isang epektibong salamin ng exploitation ng mga mahihirap. Hindi
ito kasaysayan ng iisang indibidwal kundi ng isang buong komunidad na nagnanais iangat ang antas ng kanilang buhay. Sinasagisag ng squatters area, na pinangyarihan ng
kuwento, ang kapabayaan ng pamahalaan ang puwersa ng awtoridad at mayayaman, at ang kawalang pag-asa ng mga mahihirap na siyang nagtutulak na sirain hindi lang ang sariling
buhay kundi pati ng mga taong nasa kapaligiran nila. Ang solusyon nila ay paghihiganti. Subalit ang karahasan at kamunduhan ay hindi laging bunga ng kahirapan. Sa lipunan ng
mga mayayaman at edukado ay marami ding ahas. Sa kabila ng lahat ng patayan, pananakit at murahan, may isang katangi-tanging bagay na ipinakita ang kuwento: ang sakripisyo ng
isang kapatid para manatili ang kanilang dignidad at maiangat ang kanilang sarili sa gitna ng kahirapan. Ngunit sayang at hindi ipinakita sa pelikula na ang kalutasan ng
krisis o ang pag-papagaan ng isang problema ay nasa relasyon niya sa Panginoon…na ang pananampalataya sa Kanya ang magdudulot ng isang malalim na ligaya at kapayapaan upang
siya sumulong sa buhay.
(Nirebyu: Disyembre 27, 2001)
|