|
Isang walang kabuluhang buhay ang nararanasan ni Carol (Priscilla Almeda) matapos magsawa sa
mga kaligayahan ng mundo…sex, nightlife, worldly things. Dahil dito nagtangka siyang magpakamatay subalit iniligtas siya ni Alma (Via Veloso). Hinikayat siyang sumali sa kanilang grupo, ang Bagong Pagkabuhay, isang kulto na naghahanda para sa katapusan ng mundo. Si Dimas (Raymond Bagatsing), ang lider ng kulto, ay tinatawag nilang Mahal na Sugo. Sa ilang araw na pamamalagi ni Carol sa kampo nila, kamangha-mangha ang kanyang mga natuklasan na taliwas sa normal na pamumuhay ng isang tao. Subalit pinili pa rin niyang sumali dahil sa kanyang paghanga at pagnanasa kay Dimas. Sa kanyang pagsapi, malaking pagbabago ang magaganap sa buhay niya.
Maipagmamalaki ang sinematograpiya ng pelikula. Kahanga-hanga ang lighting effects pagkat ang lugar na mala-Eden ang
anyo ay nagagawang balutan ng misteryo sa pamamagitan ng tamang paggamit ng dilim at liwanag. Masasabing artistic ang mga sexual acts, subalit napakarami naman
ang eksenang ganito. Tama na sana ang isa o dalawang shots para hindi malaswa ang dating. Maraming mahabang eksena na dapat pinutol ng editing. Muli ay pinatunayan ni Bagatsing na napakahusay niyang artista, versatile, ika
nga. Pinatunayan din ni Almeda na ang kanyang hubad na katawan ay kikita pa rin sa takilya. Bakit hinahayaan ng mga artistang tulad niya na bastusin ang kanilang katawan ng
dahil sa pera? Kailan kaya nila igagalang at bibigyan ng dignidad ang kanilang sarili?
Maganda ang pagkaka-lahad ng pelikula na may kinalaman sa Kulto (religious cult)
na patuloy na nagaganap ngayon Totoo ang mga ipinakitang immoral practices, human rights violation at distorted Christian ways na ginagawa ng mga kultong
naglipanan sa ating bansa. Subalit hindi binigyang diin ng istorya ang maaaring solusyon sa problemang ito pagkat nakatuon ang direksyon ng prodyuser sa sex scenes. Hindi
wasto ang ipinakitang paraan ng pagsupil sa kanila: Hindi ba't dapat silang yakapin at hikayating magbalik loob sa katotohanan? At kung ang isang bagay ay mahirap bigyan ng
lunas, dapat ipanalangin at ihain sa Panginoon. Sa ngayon, ito ay isang sensitibong isyu na pinagsisikapang bigyang lunas ng Inang Simbahan. Kung mga manonood ay kulang o
mahina ang pag-unawa, maaaring maling mensahe ang dumating sa kanila na bubuwag ng kanilang kaunting pananampalataya.
(Date reviewed: November 23, 2001)
|