|
Laging nangangarap si Melissa (Judy Ann Santos) tungkol sa kanyang Prince Charming na si Ivan
(Russel C. Mon) at ang magkaroon ng celfone para maka-text niya ito. Lahat ay pangarap lang dahil kahit anong gawin niya ay di pa rin siya pansin ni Ivan. Bukas na sikreto niya ito kay Banjo (Wowie de Guzman), matalik niyang kaibigan na may natatagong pagtingin sa kanya, na nagregalo ng celfone sa kanya ng palihim. Nahuli lang ito ng bestfriend niyang si Ebony (Wilma Doesnt) na nagpapadala ng text message kaya nabistong siya ang secrettextpal ni Melissa. Sa sama ng loob ay nagsumbong si Melissa sa kanyang Lola Cielito (Nida Blanca). Ngunit pinayuhan lang siya na iwasan ang mga lalaki dahil paiiyakin lang daw siya nila. Sa kagustuhan niyang malaman ang dahilan ng lihim na pagtangis ng kanyang lola ay natagpuan na lang niyang naglalakbay na siya pabalik sa panahon nito, ni Pablo (Carlo Muñoz) ang katipan ni Cielito, at ni Dimasalang (Luis Alandy) na isa ding lihim na mangingibig. May pag-asa pa bang maghilom ang pusong sinugatan ng pag-ibig noon at ngayon?
Ibinabalik ng Luv Txt
ang sikat na tambalang Juday-Wowie kung saan ipinapakita ni Judy Ann Santos na hindi lang siya pang-drama, kundi pwede rin siyang pang-komedia. Kapani-paniwala sana ang pagganap ng mga bida kaya lang ay pilit ang daloy ng istorya dahil pinaghalu-halo dito ang mga gimmick na nagtagumpay sa ibang pelikula. Nakakalito ang pagbalik sa panahong 1950s dahil hindi maayos ang paglalakbay ng karakter at nakakabigla sa ibang manonood kaya't nasasabi nilang: "Ay! Ano ba yan?" Pero marami rin ang nag-enjoy sa pantasyang napapanood. Angkop ang dialogo at nakatutuwa ang palitan ng salita at pananaw.
Ipinapakita sa pelikula ang prosand cons ng paggamit ng celfone at ang pagkakaiba ng ligawan noon at ngayon: mga tula at sulat sa panahon ni Cielito at textmessages naman sa kasalukuyan. Ngunit anumang paraan ang gamitin ay hindi ito magtatagumpay kung walang katapatan ang bawat isa. Mahalaga ang komunikasyon sa anumang relasyon ngunit ito'y kailangang tigib ng pagmamahal at katapatan. Anong silbi ng mga salita kung ito'y makasisira ng mabuting samahan at pagtitinginan?
Mula sa panonood ng pelikulang ito, maaaring pag-usapan ng mga pamilya ang mga sumusunod:
Kailangan ba talaga ang celfone ng mga kabataan? Anong kabutihan ang ibinibigay nito sa lipunan? Basta ba bago at nasa uso ay mas mainam kaysa sa mga makalumang paraan? Ilan ito sa mga katanungang maari ding pagdiskusyunan ng mga guro at mga kabataan sa paaralan.
(Date reviewed: June 22, 2001)
|