|
Hindi sangayon ang doktorang si Racquel (Patricia Javier) sa pre-marital sex at nais
niyang ihandog ang sarili sa kanyang magiging asawa lamang. Ito ang dahilan kung bakit siya nakipagkalas sa kasintahang si Mon (Tonton Gutierrez). Ito rin ang dahilan king
bakit tampulan siya ng kantyawan ng mga kasamahang doctor na napaka-moderno ang pananaw sa seks. Naging pasyente niya si Brian (Raymond Bagatsing) at hinangaan niya ang
paggalang na iniukol ng binata nang sila ay magkasintahan na. Sila ay nagpakasal, at sa mga unang araw ng kanilang pagsasama, unti-unting natuklasan ni Racquel ang tunay na
pagkatao ni Brian. Huli na nang malaman niya ang kahayukan ng asawa na isa pa lang sex pervert.Matatakasan ba ni Racquel ang buhay na ito?
Mahusay ang pagkakadirible ng pelikula at maipagmamalaki ang bahaging teknikal. Ang
sinematograpiya ay kahanga-hanga at maganda ang lighting. Angkop ang musika at biswal na nagpapaalab sa mga bahaging may tension. Maayos ang editingna
nagpapaganda ng daloy ng kuwento. Kung matino ang kaanyuhan ng pelikula, ay gayundin ang masasabi sa nilalaman. Makatotohanan at masinop ang pagtatalakay sa buhay ng isang battered wife na
biktima ng isang asawang hayuk sa laman. Makasining ang pagtatalik ng mag-asawa sa kuwento. "It is done in good taste," ika nga. Mahusay ang pagkaganap ng mga bumubuo
ng main cast at napatunayan nila ang kahusayan sa pagganap.
Sa panahon ngayon, may mga babae na hindi na mahalaga kung siya ay haharap na birhen sa araw
ng kaniyang kasal. Maganda ang layunin ng kuwentong ipakita na mayroon pang mga babae na may pagpapahalaga sa kanilang virginity. Bagama't tinatalakay ng
Marital Rape ang mga samu't-saring problema ng buhay mag-asawa, nilalayon din ng pelikula na ipakita ang mga baluktot na pananaw tulad ng pre-marital sex, trial
marriage, at mga relasyon na makikita mo ang kaibahan ng True Love at Plain Lust. Itinuon din ng pelikula ang mga karapatan ng mga babae pagdating sa sex upang ituwid na hindi sila sex object na laging susuko (submissive) sa mga lalaki, lalo na sa buhay mag-asawa. Maganda
ang mga eksenang ipinapakita ang mga kaaya-ayang katangian ng isang pamilya tulad ng pagkalinga ng mag-asawa sa isa't-isa sa kanilang pagtanda, pagdadamayan ng mga
magkakapatid, pag-payo ng mga magulang para sa ikagaganda ng buhay ng kanilang mga anak, at ang pagsunod ng mga anak sa mga ginintuang pangaral na ito. Sa gitna ng mga krisis
sa buhay, ang mga magandang kaugalian ng isang mabuting pamilya at ang mabuting katangian ng iyong pagkatao ang magsisilbing lakas at inspirasyon sa buhay.
(Date reviewed: October 12, 2001)
|