|
Minasaker ang pamilya ni Mayor Sioson (Roy Alvarez). Sa kabila ng kanyang pagmamakaawa,
ginahasa at pinaslang ang kanyang asawa at dalawang anak na babae sa kanyang harapan. Naging paralisado mula baywang pababa ang alkalde gawa ng karahasang tinamo sa mga
masasamang loob. Dahil dito, umuwi mula sa Amerika ang kaisa-isa niyang anak na lalaking si Patrick (Gary Estrada). Sapag-aalaga sa amang nalumpo, at dala ng kalungkutan sa
pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay, isinumpa ni Patrick na ipaghiganti ang kanyang pamilya, kaya't pinamagatang Oras na Para Lumaban
ang pelikula. Mula sa sumpang ito umusbong ang katakut-takot na barilan, pagdanak ng dugo at patayan. Dito rin nagpasikot-sikot ang daloy ng istorya.
Mukhang dalawang linggo lamang ginawa ang pelikulang ito o kung di man, sampung araw.
Maaksiyon na nga ay nadagdagan pa ang aksyon dahil napakalikot ng kamay ng may hawak ng kamera - tila baga pasmado siya o kaya'y lumilindol nang kunan ang mga eksena. Istorya?
meron naman, pero parang putol-putol; maraming mga "butas" kaya't hindi makinis ang screenplay at di kapanipaniwala ang mga tauhan. Halimbawa, pano nama't napakadaling pasukin
ang bahay ng meyor sa hatinggabi, e kandidato pa naman siya! Ni walang security guard o aso man lang! Hindi makatotohanan, di po ba? Pagkat alam nating lahat na sa Pilipinas, isang rekwa ang mga bodyguards ng mga pulitiko, pero dito sa pelikulang ito, wala ni isa. At kung may nag-traydor mang guwardiya, nasaan siya? Bakit walang inimbestigahan?
Para magmukhang makatotohonan ang pelikula, hinaluan ito ng mga eksena ng mga pagtitipong
pampulitika sa EDSA at ng mga eksena din ng mga demonstrators sa ilang matataong lugar sa Maynila. Sa halip na makadagdag ito sa realism ng pelikula, ay naging katawa-tawa lamang dahil lumabas itong trying hard.
Sa pag-arte naman, masasabing okey na rin, pasable na, pagkat di naman malaki ang hinihingi ng istorya sa kakayahang umarte ng mga bida.
Sinadya ng pelikula na ipaalam sa mga manonood ang leksiyong gustong ituro nito – nakasulat
ito sa screen, sa credits, sa dulo ng pelikula – na ang krimen ay walang mabuting ibinubunga. Sinikap ng direktor na magkaroon ng kabuluhan ang kanyang obra sa pagpapakita
ng mga katiwalian, kabuktutan, panglilinlang na nangyayari sa larangan ng pulitika. Marahil ay matagumpay ding matatawag ang paggamit niya ng "flashback" ng mga eksenang
nakamumuhi – ang panggagahasa at paglapastangan sa mga biktimang babae, na ang isa ay 5-taong gulang lamang. Ito rin and mga eksenang nakapanlalambot ng tuhod ng manonood.
Kailangan bang ulit-ulitin iyon? "For the sake of art," sasabihin nila, "kailangan." Ang sunod na tanong ay, "Art ba naman iyon? Nakakasulasok panoorin!" Buti pa, ibili niyo na lang ng pansit ang pangsine n'yo, nabusog pa kayo.
(Date reviewed: May 18, 2001)
|