|
Naging patok ang tambalang Regine-Aga sa Dahil May Isang Ikaw
kaya't ibinabalik silang muli sa bagong pelikulang Pangako . . . Ikaw Lang.
Naaksidente at nag-aagaw-buhay na itinakbo sa ospital ang pabling na si Vince (Aga Muhlach).
Binibisita naman ni Cristina (Regine Velasquez) ang Papa (Robert Arevalo) niyang may sakit na cancer na naka-confine din sa nasabing ospital. Tuwing dumadalaw si Christine sa
ama niya ay palihim na sumasaglit din ito sa kuwarto ng na-comatose na Vince. Isang araw ay nagkamalay ito habang binibisita ng dalaga at dahil sa pagkabigla ay nahugot ni Christine ang kurdon na nakakabit sa mga aparato. Inakala niyang namatay na ito at siya ang naging dahilan kaya't laking gulat ng dalaga nang makita itong muli paglipas ng ilang buwan. Tuwang-tuwa naman si Vince dahil natagpuan na niya ang "anghel" na matagal na niyang hinahanap. Nagkahulihan sila ng loob kaya lang ay may problema dahil malapit nang ikasal si Vince kay Kristel (Ricci Ocampo). Ano kaya ang magiging bunga ng bagong pagtitinginang ito?
Pangkaraniwan ang kwento ng pag-ibig ng Pangako . . . Ikaw Lang, ngunit
di-pangkaraniwan ang pagkakagawa nito. Masigla at nakatutuwa ang diyalogo, maayos ang cinematograpiya, mahusay ang pagganap ng mga bida at iba pang mga artista.
Kapansin-pansin din ang magandang chemistry ni Muhlach at Velasquez, at ni Arevalo, na nagdagdag sa pagiging makatotohanan ng kwento. Kapani-paniwala si Bobby Andrews
bilang matalik na kaibigan at nakadagdag ng katatawanan si Sherilyn Reyes at Rufa Mae Quinto. Kapuri-puri din ang pagbigay-pansin sa ilang magagandang tanawin sa bansa tulad
ng Baguio at ang iba't ibang bulaklak sa Pilipinas. Pino ang paghawak ni Binibining Joyce Bernal sa lahat ng sangkap ng puting tabing, pati na ang pagbalanse niya sa mga
makabagbag-damdaming tagpo at nakatatawang yugto. Nagtagumpay rin siyang ipaabot ang mensahe ng mga eksenang tigib ng damdamin hindi lang sa diyalogo kundi sa pamamagitan ng
musika at katahimikan at masining na pagkuha ng kamera. Mayroon lang ilang mga yugto na medyo matagal at medyo nakababagot.
Sa gitna ng kaguluhan at mga problemang hinaharap nating mga Pilipino, ang Pangako . . .
Ikaw Langay isang pelikulang kaaya-aya at nagbibigay sigla. Pwede palang gumawa ng magandang pelikula ng pag-ibig na walang seks. Ipinapakita rito ang ilang kaugaliang
Pilipino na dapat tularan: ang magandang pagtitinginan sa pamilya, pangangalaga sa magulang at sa mga anak, pagsasabi ng katotohanan, matapat na pakikipagkaibigan,
pagpaparaya, pakikiramay at paggalang sa kababaihan. Isang makapangyarihang yugto ang pag-uusap ng mag-ama kung saan sinasabi ni Arevalo ang kahalagahan ng pagiging tapat sa
sarili, anuman ang nadarama – kasiyahan man o kalungkutan – dahil sa katapatang ito mo lamang makikilala ang tunay mong pagkatao. Kaya lang, hindi pa rin naiwasan ni
Bernal ang paggamit ng slapstick humor na hindi kasiya-siya lalo na sa kultura nating nagbibigay-galang sa patay.
(Date reviewed: July 6, 2001)
|