|
Walang swerte sa pag-aasawa si Hilda (KC Castillo), anak ng kagalang-galang na hepe ng pulis,
dahil ang asawa niyang si Dolfo (Francis Enriquez), bukod sa batugan at walang trabaho, ay babaero at sugarol pa. Ang Major (Bomber Moran) naman ng bayan ay ligawin ng
mga bugaw na panay ang regalo sa kanya ng sariwa at batang mga babae, hanggang ang lola ng isa sa mga regalong ito ay nagsumbong sa pulis. Nangako si Hepe na siya mismo ang
huhuli sa salarin. Dahil sa laki ng utang ni Dolfo kay Major, hindi siya nakatanggi ng maatasan siya ni Major na pumatay kay Hepe na biyenan niya. Pagkamatay ni
Hepe, hinalay ni Dolfo ang nakatatandang kapatid ng asawa niya na dalagang si Juliet (Alma Soriano), at mula noon ay pinaglaruan na niya ang magkapatid sa kama. Hanggang saan
hahantung ang kasamaan ni Dolfo?
Halatang-halata na ito'y isang bold quickie, kung saan lahat ng may kinalaman dito ay
pawang baguhan at ang karamihan sa kanila ay di kilala. Ang kinalabasan ay kuwentong walang kalatoy-latoy, mahinang direksiyon, mahinang mga nagsiganap, at mahinang
lahat-lahat na. Sa kupad ng daloy ng istorya at mga ligaw na mga eksena, pilitin man ng manonood na umasa na baka sakaling may kauuwian ito sa bandang dulo, ang kinauwian lang
ay kabiguan. Ang manonood ay maiinis at maiinip sa paghihintay na matapos na sana at maka-uwi na.
Kahit nakalathala sa takilya na maraming naging cut sa mga eksenang paghuhubad,
pagtatalik at pagmumura, namamayani pa rin ang mga ito, dahil ito talaga ang mas pinag-aksayan ng pansin at pagod, kahit di naman maganda ang kinalabasan. At ano mang nalalabi
sa istorya ay masyadong inapura at huwag na lang di matapos kahit na papaano. Kitang-kita na ang habol ng bagong prodyuser at director ay makisakay sa mga malalakas na
kumikitang bold movies sa ngayon. Isang malaking pagwawaldas na naman ito ng oras at pera, hindi lang para sa prodyuser kundi lalo na sa manonood. Ganito na lang kaya
ang kaya nating gawing pelikula? O ito kaya ay nagpapamalas lang ng kahirapan ng buhay kung kaya't ayaw na ng mga prodyuser na makipagsapalaran sa hindi siguradong kikita na
pelikula?
(Date reviewed: November 5, 2001)
|