|
Piniling ibigin ni Lily (Assunta de Rossi), ang star attraction ng aqua show sa Boracay
Club si Nonoy (Raymond Bagatsing), isang playboy na walang kabalak-balak na magpatali sa kangino mang babae, samantalang nandiyan naman si Fidel (Rodel Velayo). Mahal na mahal ni Fidel si Lily sa pag-aakala na siya ang matagal na niyang hinahanap na kasintahang si Rio (Assunta de Rossi). (Nagkahiwalay sila nang mabilanggo si Fidel at nagtangkang magpakamatay si Rio). Kahit nagkaroon ng pagtingin si Lily kay Fidel, ginigiit niya na hindi niya kilala ito. Siya daw ay si Lily at may kasintahan na... hindi makapaniwala si Fidel, siguradong-sigurado siya na si Lily ay si Rio, mula ulo hanggang paa pati sa pagkakaroon ng tattoosa hita. Paanong nangyari ito?
Ang magandang kuha ni Garchitorena sa bughaw na karagatan at ang kahali-halinang musika ni
Buencamino ang siyang sasalubong sa manonood sa pagbukas ng pelikula—napakaganda at mapayapa, ngunit napaka-mapaglinlang. Sapagkat sinundan ito ng isang nakakaakit na mukha
tuloy sa kaakit-akit na dibdib ng isang babaeng nakikipagtalik. Iyan ay isa lamang sa maraming eksena ng paghuhubo't hubad at pagtatalik ng mga nagsiganap, na binihisan ng
isang kuwentong nagpipilit magbigay ng kabuluhan sa pelikula. Napakalabo ng kuwento na kunwa'y komplikado; malabo din ang pag-uugnay ng mga eksena. Maraming katanungang hindi
nabigyan ng kasagutan, hanggang magwakas ang sine sa isang walang katuturang palaisipang hindi nakayanang ipaliwanag ng sumulat o ng direktor.
Paano ba nating maiirekomenda ang ganitong uri ng pelikula? Sa malakas na pagtakbo sa takilya
ng Red Diaries, muling humirit ang Seiko Films ng isa pang pelikula sa pag-e-exploit kay Assunta, di mahalaga kung ito'y may kasaysayan o wala, basta
kumita lamang. Kung kaya't sa bawat kisap-mata ay pawang paghuhubad ang inaasikaso ng mga artista, maging babae o lalaki man. Ganoon din ang diyalogo na pinuputakte ng
pagmumura, maging ng bata o matanda, babae o lalaki. Ang tema naman ay pawang pagsusugal, paglalasing, pandaraya, pagbibilad ng katawan, at bawal na pagtatalik. Sa dalas ng
paglalarawan ng mga temang ito sa Sisid, maaaring magbunga ito ng maling-pag-aakala na ito ay pangkaraniwan na lamang at hindi na totoong napakasama, nasa uso at pwede
nang tularan ninoman. Sa pananaw ng CINEMA, maliwanag na sex lamang ang gustong ipalabas ng pelikula, kaya, bakit kailangang ipalabas pa ito?
(Date reviewed: October 5, 2001)
|