|
Panahon ng dekadang 1920's kung saan ang mga babae, maging sa kilos at salita, ay kontrolado
ng asawa at ng mga alituntunin ng lipunan. Hanggang sa pagsapit ng tatarin. Ang katagang tatarinay hango sa salitang tadtarin at sa pelikulang ito, ang tinutukoy ay ang
pagtatadtad ng mga babae sa mga gumagapos sa kanilang katauhan at kalooban. Ito'y isang sinaunang ritual, isang puwersang di mapigilan, kung saan ang mga babae ay nagwawala at
sinasaniban ng kakaibang lakas upang mabigyang katuparan ang kanilang mga pagnanais at pagnanasa… At sa ganitong katayuan makikita ang makaluma at dominanteng Don Paeng (Edu
Manzano) at ang kanyang mayuming sunud-sunurang maybahay na si Doña Lupe (Dina Bonnevie). Ngunit sa pagdating ng tatarin, si Lupe ay pumiglas sa humahabol at sumisigaw sa
galít na asawa. Sumama siya sa mga babaeng kumakanta at sumasayaw sa hatak ng tatarin. Nagkita sila ni Guido (Carlos Morales) na pinsan ni Paeng, at sa piling nito muli
niyang naramdaman ang matagal ng hinahanap –hanap na mainit na paglalambing. Hindi tumigil si Paeng sa paghanap kay Lupe. Ngunit nang ito'y makita, paano niya haharapin ang
mahiwaga at nagbagong Lupe na dumanas ng tatarin?
Ang Tatarin ay isang period film na hango sa kuwentong Summer Solstice ng national
artist na si Nick Joaquin, bagamat may ilang karakter at eksena na dinagdag ang pelikula. Kahanga-hanga ang production design na talagang pinag-aralan at binusisi
ni Dez Bautista. Angkop na angkop lahat ang kapaligiran sa dekada, sampu ng mga kasuotan, kilos at pananalita, mga lumang bahay, kalye at sasakyan. Malaki ang naitulong ng
magandang mga kuha at musika na may kasamang ethnic na tugtog. Matututo at maa-aliw ang mga manonood sa paglarawan ng luho ng mayayaman ng panahon noon, pati na sa
pagpakita ng mga pangyayari sa kapistahan ni San Juan Bautista na kasabay ang paganong tatarin. Magagaling lahat ang nagsiganap at bagay na bagay sila sa mga papel na kanilang
ginampanan., lalung-lalo na si Dina Bonnevie na nagsimulang napakahinhin at nagtapos na isang pakawala. May istorya naman, ngunit di nabigyang diin ang kuwento ni Paeng at
Lupe, sapagkat ang malaking panahon at pansin ay binigay sa mga maraming detalya ng ritual, na sa paulit-ulit na pagpakita nito ay naging napaka-boring.
Bagamat kinailangan sa pelikula ang walang tigil na pagiri-giring pagsasayaw ni Amanda (Rica
Peralejo) at ng maraming babae sa ritual ng tatarin, pati na ang maraming eksena ng pagtatalik, ito'y ginawang totoong sensual at pinahabang masyado. Halatang-halata na
ginamit lang ito ng prodyuser at director na panghakot ng mas maraming manonood. Totoong nabanggit ni Nick Joaquin ang ritual, ngunit ang mga detalye nito ay likha na ng
imahinasyon ni Direktor Aguiluz. Pinakita dito ang hindi kagandahang relasyon ng mag-asawa noong panahon na iyon; naghahari ang lalake at parang mababa ang pagtingin sa babae.
Wala siyang boses sa pamilya, sunud-sunuran lang sa asawa, at tinanggalan ng dignidad bilang kapwa tao, na labag sa utos-kristiyano. Ngunit ipinaramdam din na kapag kumilos
ang mga babae at nagkaisa, ay "Humanda kayong mga lalake!". Ang lahat ng ito ay nilarawan bilang kuwento na walang pagsang-ayon o pagsalungat. Nasa manonood, na talagang dapat mature, ang
pagpapasiya. Isa lang paala-ala: Ang Tatarin ay isa lamang alamat at hindi dapat paniwalaan ang lahat ng pinakita…
(Date reviewed: December 27, 2001)
|