|
Ang katahimikan ng lalawigan ang nais ng manunulat na si Eman (JC Castro) upang matapos ang
ginagawang nobela. Magiliw siyang tinanggap ng kanyang Tiyo Dado (Bob Soler) at ang batambatang asawa nitong si Salome (Pyar Mirasol). Nakilala din niya ang mag-asawang Igno
(Mike Magat) at Lucing (Camille Roxas) na katiwala sa piggery at poultry ng mabait na tiyo. Naakit si Salome kay Eman at unti-unting tinukso ang binatana hindi nalingid kay Lucing. Hindi rin ito naitago kay Igno na nakikiapid din kay Salome na siya ngayong dahilan ng namumuong galit sa kanyang dibdib. Malalaman ba ni Dado ang katraydorang ito?
Karaniwan ang kuwentong may elemento ng sex, drama at aksyon, bagama't ang pinakalaman ay ang tema ng "bawal na pag-ibig." Masyadong magalaw ang kamera, may mga dialogong hindi maintindihan, at labis ang dami ang mga mahahabang tagpo. Narito uli ang karaniwang gawain ng mga prodyuser at direktor na gumamit ng rural scenes para maging maganda't magaan sa paningin ng manonood ang "pangbalot" sa mga sex
scenes. At dahil sex ang gustong bigyang-diin sa kuwento, mayroong malalaswang eksena na hindi naman kinakailangan upang mabuo ang istorya.
Isinasalarawan ng pelikula ang mga problemang may kinalaman sa pag-aasawa. Una, banggitin natin
ang May-December marriage na kung minsan ay nagiging dahilan upang ang babae (na nakababata) ay humanap ng lalaking kaedad niya at tutugon sa init ng kanyang katawan. Pangalawa, ang marital rape na namamagitan sa mag-asawang wala nang pagmamahal sa kanilang pagtatalik. Pangatlo, ang simpleng pakikiapid dahil sa likas na kahinaan ng tao. Ang kuwento ay sumasalamin sa iba't ibang landas na tinatahak ng mga taong nais "tumikim" ng "bawal" lalo na kung may kinalaman sa sex.
Isang bagay na kapuna-puna sa pelikulang ito ay ang kakulangan
ng pagsisisi o pagbabagong-buhay sa mga taong nabubuhay sa pagkakasala, ngunit ito rin ang nagdidiin sa katotohanang walang mabuting kahihinatnan ang pagkain ng "masarap na bawal".
(Date reviewed: April 19, 2002)
|