|
Sa kabila ng mabuting samahan at maigting na pag-iibigan nina Choleng (Barbara Milano) at Gerry
(Gerald Madrid), nagpumilit si Choleng na makipagsapalaran sa Maynila kahit pa ito'y nangahulugan ng pagkakalayo nila ni Gerry.
Lumipas ang buwan at taon, wala nang balita kay Choleng kung kaya't nagdesisyon si Gerry na lumuwas ng lungsod at hanapin ang kasintahan. Nakipisan siya sa kanyang kababatang si Aldo (Harold Pineda), isang macho dancer na namamasada ng taxi sa
araw at nagbebenta ng aliw sa gabi.
Namulat si Gerry sa hirap ng buhay sa Maynila, taliwas sa kanyang inaakalang mabuti ang pamumuhay rito, ngunit pinili pa rin niyang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pamamasada ng taxi kaysa
ibenta ang kanyang sarili na tulad ng ginagawa ng kanyang kaibigan. Ang kanyang naunang pakay na paghahanap kay Choleng ay nauwi sa liko-likong suliranin at hamon ng
buhay nang minsan sa kanyang pamamasada ay magkrus ang landas nila ng misteryosang si Lerma (Halina Perez) na siyang may hawak ng susi ng tunay na kinalalagyan ni Choleng.
Karaniwan at gasgas na ang kuwento ng Biglang Liko. Karamihan sa mga eksena rito ay pawang
duplikasyon na lamang ng mga naunang pelikulang may ganito ring tema ng kahirapan at prostitusyon. Matapat naman ang pelikula sa layon nitong ipakita ang madilim na kalagayan
ng mga maralitang taga-lungsod bagama't biglang lumiko ang kuwento mula sa kahirapan papunta sa karahasan. Pawang kakambal na ng hirap ang marahas na pamumuhay. Sayang at
naging mababaw ang pagsasalarawan ng pelikula pagdating sa aspetong ito. Mabuti na lamang at mahusay ang sinematograpiya at ang pagganap nina Gerald Madrid at Harold Pineda.
Maging ang baguhang si Nina Lopez ay nagpakita ng kahusayan na di karaniwan sa isang baguhan. Hindi rin malilimutan si Anita Linda sa pelikulang ito bilang isang matandang
puta na ibinubugaw ang apo. Dahil sa mga ilang kahusayang ito, di na rin nakakabagot panoorin ang Biglang Liko.
Wagas na pagmamahal at tunay na pagkakaibigan ang mga pagpapahalagang ipinakita sa Biglang Liko
. Sa kabila ng marumi at madilim na buhay sa lungssod, nanatiling dalisay ang pagkatao ni Gerry. Bagama't hirap ang kalagayan, hindi siya nadala ng makamundong pamumuhay
ng mga taong nakapaligid sa kanya. Hanggang sa dulo'y pinanghahawakan niya ang layuning hanapin ang minamahal sa masukal at magubat na Maynila. Sa halip na siya ang lamunin ng
sistema, siya pa ang nagbigay inspirasyon sa mga kaibigan na magbagong buhay. Maliwanag ang mensahe ng pelikula ukol sa pagkakaroon ng pag-asa sa gitna ng pagkasawing-palad.
May mga nananalo at natatalo sa buhay ngunit ang nanatiling matatag ay yaong may pananalig sa Diyos at may mabuting kalooban. Hindi parating matuwid ang daan ng buhay.
Maaaring magkamali ka sa biglang pagliko, ngunit ang biglang pagliko ay maari pa ring tapatan ng biglang pagbabago. Hindi nga lang madali ngunit hangga't may pananampalataya
ay possible at makakayanang gawin.
(Date reviewed: August 16, 2002)
|