|
Si Pao Gomez (Ramon "Jolo" Revilla III) ay isang mabait, masunurin at makapagkalingang anak ni
Clarita (Gina Alajar) na madalas tinutukso hanggang humantong sa away dahil sa agimat na kanyang suot na ibinigay sa kanya ng ama bago ito pumanaw. Naisip niya na sana alam
niyang gamitin ang agimat upang makaganti sa mga nanunukso sa kanya. Minsan natunghayan ni Mang Enteng (Ramon "Bong" Revilla, Jr.), isang tagapaglinis sa paaralan, ang
pang-aalipusta kay Pao at nabanggit niya na may isang ermitanyo (Ramon Revilla, Sr.) na maaaring makapagturo sa kanya kung paano gamitin ang agimat. Sa isang kahindik-hindik
na pangitain, sa panaginip nakita ni Pao ang paggapi sa isang aswang ng isang nilalang na makapangyarihan (Ramon Bong Revilla Jr.). Dito niya napagpasiyahan na puntahan ang
ermitanyo upang malaman kung paano gamitin ang agimat. Habang patungo siya sa kinaroroonan ng ermitanyo, siya ay dumaan sa mga pagsubok ng pakikiramay, pag-iwas sa tukso at
katapangan na kanya namang napagwagian lahat. Magkakabisa ang agimat at magiging instrumento siya upang labanan ang kasamaan.
Ang Agimat ay isang pelikulang puno ng mga makabagong special effects na di karaniwang
nakikita sa pelikulang Pilipino. Ang mga kuha at komposisyon ay maganda at angkop sa nais ipahiwatig ng mga eksena bagama't pawang madilim sa kabuuan ang pag-iilaw. Ang musika
at tunog ay nakaaantig ng damdamin sa mga eksenang nilalahad nito. Hindi gaanong nakatulong ang mga mahahabang salitaan at dialogo na sadyang nagpapainip sa manonood.
Nangangailangan pa ang pelikula ng mas masusi at pulidong editing upang makuha nito ang atensiyon ng manonood. Mahusay naman ang paggananap ng mga beteranong aktor na siyang nagsalba sa bagitong pagganap ng mga batang aktor. Sa kabila ng kahusayan sa sound at visualeffects,
sa dami ng detalye at gustong talakayin ng pelikula, naging nakakabagot pa rin ito sa kabuuan.
Sa kasaysayan ng tao sa mundo, patuloy ang pagtunggali ng mabuti at ng masama. Ito ang malinaw na makikita
sa Agimat na nagsasabing hindi dapat gamitin sa masama ang anumang uri ng kapangyarihan. Hindi lamang ang agimat kundi lalo't higit, ang kababaan ng loob at ang lakas ng isang
nilalang upang mapagwagian ang masama ay nagmumula sa kanyang pagkatao at sa tulong ng Poon Maykapal. Sa kabila ng mabubuting mensaheng ito, hindi pa rin maaring balewalain
ang ilang eksena ng karahasan na maaaring hindi angkop sa murang kaisipan ng kabataan. Ang konsepto ng agimat, sa pantasya man o katotohanan ay nangangailangan ng wastong
gabay upang higit pang maunawaan ang tunay na pinagmulan, kahalagahan at kahulugan nito.
(Nirebyu: Disyembre 27, 2002)
|