|
Ang Bakit Papa? ay umiinog sa isang disk na kinalalagyan ng isang lihim na pormula na kapag nainom kahalo ng tubig ay magagawang bakla ang isang lalaki. Sa takot na mahulog ito sa mga kamay ni Jake (Jeffrey Quizon), ipinasa ng scientist na si Dr. Magno ang disk kay Allan (Allan K), ngunit ito'y napunta sa waiter na si Dong (Richard Gutierrez) na nagtago naman ng disk sa
isang tindahan ng mga laruan.
Nang malaman ni Allan ang nangyari, inatasan niya ang Operation Sex Bomb Girls para hanapin ang disk, pero nabili na ng isang pamangkin ni Chiqui (Chynna Ortaleza) ang teddy bear na
pinagtaguan nito. Ipinakidnap ni Jake si Magno, si Allan at ang tatlong mga pamangking babae ni Chuiqui para lamang sa disk na iyon. Sinundan ito ng labu-labo, dumating
ang mga pulis para lipulin ang mga kontrabida, at hindi rin nahulog ang disk sa mga masasamang kamay.
Makulay ang Bakit Papa? maliwanag at may mga eksenang kaakit-akit sa mga mata, pero
hanggang doon lang.
Bukod sa katangian ng pelikula na magbigay-aliw sa mga mata ng ilang manonood, walang gasinong maihahandog ito. Hindi man lamang mahahamon nito ang isipan o katalinuhan ng manonood. Parang tsapsuy ang istoryang kulang sa kabuuan, watak-watak ang mga eksena, sige-sige lang ang dialogue (na minsan pa nga'y nalulunod ng musika), at hindi rin makinis ang choreography.
Huwag na rin nating pag-usapan ang acting at directingang Bakit Papa? ay mas maituturing mong "palabas" kaysa "pelikula."
Hindi matarok ng CINEMA kung ano ang kabuluhan ng isang istorya ng pagkakagulo dahil lamang sa
isang pormula na wala namang ipinakitang malinaw na halaga. May hinala kaming hinabi lamang ang pelikula para mapagsamantalahan ang kasalukuyang pagkasikat ng mga Sex
Bomb Girls, isang grupo ng mga babaeng umaawit at sumasayaw upang magbigay-sigla sa isang pananghaliang palabas sa telebisyon.
Ang ikinababahala ng CINEMA ay ang pagtulad ng mga batang babeng nakakapanood sa Sex Bomb Girls sa telebisyon man o sa Bakit Papa? Mungkahi namin na patnubayan ng mga magulang ang kanilang mga anak na hilig na hilig sa kinang ng mga Sex Bomb Girls at ginagaya ang pagsasayaw ng mga ito. Hindi makabubuti kahit kanino kung pati ang pagbibilad ng katawan (gawa ng seksing pananamit) at ang mga paggiling ng mga balakang ng mga Sex Bomb Girls ay tutularan nang walang humpay ng ating mga maliliit na anak.
(Date reviewed: December 5, 2002)
|