|
Magkakapatid ang mga Filipinong Intsik (Tsinoy) na sina Vera (Maricel Soriano), Richelle (Ara
Mina) at Juliet (Kris Aquino). Sila ay pawang mga apo ng mayamang si Luis Go (Eddie Garcia) at Elisa (Boots Anson Roa). Bagamat mga Kristiyano ay tinataglay pa rin nila ang
kulturang Instik at ilang bahid ng relihiyong Budhismo sa pamilya. Sa tatlong magkakapatid ay si Vera ang makikitaan ng tapang at tatag kaya pinagkatiwalaan ng kanilang Papa
(Tirso Cruz III) na mamahala sa negosyo. Si Juliet naman na tila pinakamahina ay nagsisikap na mamagitan para sa pagbubuklod ng buong pamilya, samantala rebelde at
tagapaghatid ng problema sa kanilang angkan ang bunso na si Richelle. Dahil sa pangamba sa patuloy na pambibiktima at pagsasamantala ng masasamang-loob sa mga mayamang Intsik
na katulad ng pamilya Go, ay nagbabayad sila para sa kanilang proteksyon. Suportado din nila ang lahat ng umuupong opisyal sa pamahalaan. Subalit sa kabila ng lahat ng
pag-iingat at pagbabayad ng salapi, at pagbubuwis ng buhay ng nobyo ni Vera na si Emerson (Jay Manalo), nabiktima pa rin ng kidnapping ang magkapatid na Juliet at Richelle.
Simple lamang ang istorya ng pelikula na nagsikap talakayin ang kultura ng isang pamilyang Tsinoy. Mahusay
ang editing lalo na ang pagpapapalit ng Chinesedubbersbagamat hindi naging consistent kung sino ang nagsasalaysay sa tatlo dahil bigla na lang nagkakaroon
ng voice over. Hindi naman naging natural ang kinalabasan ng make-up para magmukhang Intsik ang mga nagsiganap maliban kina Amy Austria at Kris Aquino. Kahit
papaano ay nakaabala ang aspetong ito sa pag-appreciate ng manonood sa pelikula. Nakatulong naman ang tamang ilaw, lapat ng tunog at musika para bigyang diin ang
detalye ng pelikula. At hindi matatawaran ang mahusay na pagganap ng pangunahing tauhan lalo na nina Eddie Garcia, at Maricel Soriano.
Ang Mano Po ay isang pelikulang napapanahon sa punto ng usaping pamilya, kultura at lipunan lalo na
sa mga Filipino-ChineseCommunity. Binigyan-diin ang pelikula, ang tradisyon kung saan lalong kilala ang mga Pilipino, ang pagbibigay galang sa mga matatanda sa
pamamagitan ng pagmamano na tila pinapalitan na ngayon ng maka-kanluran na "beso-beso." Tinatalakay din ang mga aspeto ng pagbubuklod at kahalagahan ng pamilya sa maraming
eksena sa pelikula: ang tapat na pagmamahalan, pagpapatawad, pagtanggap sa pagkakamali at pagharap sa paghamon ng pagbabago. Subalit nakakabahala naman ang tila pagkilala sa
tulad ng karakter ni Richelle (Ara Mina) na isang rebelde ng pamilya bilang bayani ng angkan.
Maselan ang mga isyu na tinalakay ng pelikula katulad ng mga krimen laban sa mga Tsinoy, kidnapping, frame-up, droga, illegal na
proteksyon, pagbabayad sa mataas na opisyal ng pulisya, relasyon ng civilian agent sa isang pulis inspector, pre-marital sex. Dahil sa mga puntong ito na
inihahatid ng pelikula ang mga manonood na may gulang 13 taong gulang pababa ay dapat gabayaan ng mga magulang sa panonood.
(Nirebyu: Disyembre: 27, 2002)
|