|
Labis ang naging pagtingin at pagmamahal ni Teteng (Rey Dann) sa kanyang kasintahang si Carmela
(Allona Amor) kung kaya't agad na niya itong inayang magpakasal. Ngunit naging malakas ang bulung-bulungan sa bayan na si Teteng ay may lahing baliw at ito ang naging
dahilan ng kamatayan ng kanyang ina. Nadala sa mga sabi-sabi si Carmela, dagdag pa ang ilang mga sandaling napapansin niyang kakatwa ang kilos ni Teteng, kung kaya't
bigla na lamang itong hindi nagpakita sa araw ng kanilang kasal. Labis na dinamdam ni Teteng ang pangyayari kung kaya't siya'y natuluyang mabaliw. Sa pagkagat ng
dilim, siya'y nanggagahasa at pumapatay ng mga kababaihan bilang tanda ng kanyang paghihiganti sa kasawiang dinanas kay Carmela.
Wala pa ring gaanong magandang maaasahan sa Ledcinema pagdating sa aspetong teknikal ng paggawa
ng pelikula. Una sa lahat ay kataka-takang walang anumang nabanggit sa may akda ng kuwento ng Teteng Baliw. Isa itong maliwanag na indikasyon na hindi masyadong
pinagisipan ang pelikula at wala itong sinusunod na maayos at lohikal na daloy sapagkat maaaring wala silang ginamit na iskrip. Maaring ito rin ang dahilan kung kaya't
pawang kakatwa ang daloy ng diyalogo ng mga karakter. Mababaw ang naging karakterisasyon ng mga pangunahing tauhan, lalo na ang bidang si Rey Dann (wala na ngang dating
ay wala pang talento sa pag-arte) at Allona Amor.
Bagama't may mga sandaling naisasalba ng mga pangalawang tauhan ang pelikula, tulad ni Ernie Zarate at Brando Legaspi, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang ito ay tangkilikin. Nakaririmarim pa rin ang Teteng Baliw sa kabuuan mula sa mga maling pagkuha ng camera hanggang sa nakakatawang production design.
Ang Teteng Baliw
ay tungkol sa isang taong naging biktima ng kanyang sariling sakit bunga ng mapait na karanasan. Ngunit hindi naging malinaw ang gustong sabihin ng pelikula ukol sa mga karamdamang may kinalaman sa utak, lalo na sa kaso ni Teteng na nanggagahasa at pumapatay. Bagama't hindi sinabi ng pelikula na ito'y mabuti, hindi pa rin ito nakapagbigay ng bagong uri ng liwanag ukol sa mga sakit na gaya ng kay Teteng, bagkus ay lalo lamang nitong kinonsinte ang mapanghusgang pag-uugali ng mga tao pagdating sa sakit na ito. Pinaigting lalo ng pelikula ang isteryotipikal na pananaw ng mga tao sa mga serial killers.
Bukod sa pagpapahalaga sa pagkakaibigan, at paggalang sa magulang, wala ng ibang aral pa na maaaring mapulot sa Teteng Baliw. May mga iilang eksena rin ng hubaran at
seks ang pelikula na nararapat lamang panoorin ng mga nasa wastong gulang na. Nakakabahala rin ang pagkonsinte ng pelikula sa pagtatalik ng wala pang basbas ng kasal.
Sa kabuuan ay pawang bagay lamang ang titulo ng pelikula kung ang mensahe nito ang pag-uusapan
isang malaking kabaliwan ang panoorin ang pelikulang ito at subukang hanapan ng aral na matututuhan.
(Date reviewed: December 5, 2002)
|