|
"Lutong New York, lasang Pinoy." Akmang-akma ang slogan na ito para sa American Adobo, isang pelikula tungkol sa limang magkakaibigang
Pinoy na naninirahan sa Nuweba York, sa Amerika.
Iba't iba ang ugali at pananaw nila, pero gaya ng mga sangkap ng adobo, kapag pinaghalo-halo na, ay may lulutang nang iisang lasa: adobo. Ang iisang "lasa" sa buhay ng limang magkakaibigang ito ay: pangungulila. "Loneliness" sa wikang inggles. Ang loneliness na ito ay siyang nagtutulak sa bawat isa sa kanila upang bigyang-kabuluhan ang kani-kanyang buhay sa pamamagitan ng trabaho, pag-ibig, at panalangin.
Magaling ang pagdidirihe ni Laurice Guillen, kaya't lumabas na makatotohanan ang
American Adobo. Sinamahan pa ng magandang script, epektibong character-development, at mahusay na pagganap nila Christopher de Leon, Cheri Pie Picache, Dina Bonnevie, Ricky Davao at Paolo Montalban, kaya naging kapani-paniwala ang istorya. Maingat din ang pagkakapili ng sets—pansinin mo ang mga apartments na tinitirhan ng mga Pinoy na ito sa New York: may woodcarving na tinikling dancers sa dingding katabi ng mga abstract paintings, may wall hanging na mga pamaypay (malamang, kapis) sa isang sulok, at mga mumurahing santong dinadasalan sa kabilang sulok naman. Ang sinomang nakadalaw na sa maraming tirahan ng mga Pinoy sa Amerika ay makapagpapatunay na ganito nga ang itsura ng tipikal na bahay nila: ang panglabas ay 'Kano, ang pangloob ay kaaya-ayang Pinoy-baduy.
Ganito rin ang pagkatao ng mga Pinoy sa istorya: gawa ng impluwensiya ng kultura sa bayang
tinitirhan, asta at asal-Kano na, pero tulad ng kulay ng balat nila, hindi mabubura ang tunay na dahilan ng kanilang pagiging mga "hilaw" na Amerikano—ang kakulangan ng tunay
na pananalig sa sariling halaga bilang mga tao, bilang mga Pilipino. Di ba't karaniwan ito sa ating mga Pilipino, na kailangang manggaya para lumigaya?
Hindi pa masiyahan sa buhay-Pinas, inaambisyong mag-Amerika. Siyempre, higit daw na luntian ang damo (at dolyar) sa kabilang bakuran. Pagtapak sa Amerika—bayan ng malaya—gusto na ring makalaya sa pinanggalingang lahi, wika, asal at relihiyon. Lingid sa kaalaman ng mga tauhan sa
American Adobo,
ang kanilang pagsasama bilang mga magkakaibigan—isang napaka-Pilipinong gawi—ay ang siyang nagliligtas sa kanila sa tuluyang pagkakasira ng kanilang pag-asa. Ang pakikisama ay tulad ng pagkaing Pinoy na hinahanap-hanap at pinagsasaluhan nila—pansit, dinuguan, sinigang, adobo. Pinoy na Pinoy. Maaaring alisin mo ang Pilipino sa Pilipinas, ngunit hindi mo maaalis ang Pilipinas sa Pilipino.
(Date reviewed: January 18, 2002)
|