|
Isang lumang gusali ang minana ng magkapatid na Alma (Sunshine Dizon) at Espie (Joanna Gonzales).
Nakatira sa isang bahagi ng gusali ang anim na batang lansangan sa pangangalaga ni Sharmaine (Shaina Magdayao). Galing sila sa isang bahay ampunan ngunit pinayagan ng madre na
mamuhay sa lansangan dahil sa misyon ni Sharmaine: nais niyang makita ang kanyang guardian angel sa gitna ng daranasing kahirapan. Sa paniniwalang may ginto ang lupang
tinitirikan ng bahay, isang mayamang negosyante ang pilit na bumibili ng lugar at marahas na tinatakot ang mga bata upang mapilitan ang magkapatid na ibenta ang lote. Sa gitna
ng nangyayaring gulo, dumating sa kanilang buhay si Jerry (Joko Diaz) at Tommy (Bobby Andrews) na handang tumulong upang hindi makuha ang nasabing pag-aari.
Napakahaba ng pelikula at may mga eksena na dapat pinutol sa editing. May dialogue na hindi marinig dahil sa mga background noise at
musika na sobra ang lakas. Ang kapuna-puna sa kuwento ay ang mga batang lansangan na malulusog, magaganda, malilinis at magaling pang magsalita ng Ingles! Hindi yata ito ang
tunay na mukha ng mga batang lansangan na naglipana ngayon sa siyudad. Isa pa ring puna: tila mahirap tanggapin ang papel ni Paquito Diaz na algad ng Diyos dahil lagi siyang typecast na kontrabida! Sa kabila ng maraming kapintasan ng pelikula, masasabing epektibo ang lighting sa
loob ng lumang gusali upang balutan ito ng magkahalong misteryo, lungkot at kapayapaan.
Nais ipakita ng pelikula ang papel ng guardian angel sa ating buhay, lalo na sa mga
paslit. Ibig ding bigyan tayo ng director ng pagkakataong pumasok sa daigdig ng mga batang lansangan at tingnan ang mundo nila mula roon. Subalit kung bubusisiin natin ang
katotohanan tungkol sa mga guardian angels, makikita nating pantasya lang ang kuwento, pagkat walang anghel na nagma-magic, nanununtok, o nagiging tao para lang
makapag-asawa. Mayroon namang mga aral ang kuwento: ang pagtulong sa kapwa, ang pagsusumikap sa buhay sa malinis na paraan, ang payak na pananampalataya sa Diyos, at
paggalang. Kaya lang, may mga eksena sa kuwento na hindi nababagay sa mga batang manonood: ang kumita ng pera sa pamamagitan ng macho dancing na sa mundo ng mga adults ay
isang malaswang pagsayaw, ang kaalaman ng batang lansangan sa paghawak ng baril, at ang karahasan ng kamao. Sana, paglabas ng mga bata sa sinehan ay ipaliwanag ng mga magulang
ang katotohanan sa likod ng kanilang napanood upang hindi nila kalakihan ang mga parteng ilusyon at karahasan sa kuwento.
(Date reviewed: January 7, 2002)
|