|
Bagamat pawang kuntento sa kani-kanilang mundo si Cass (Bayani Agbayani), isang kolektor ng
pasugalan, at si Cary (Vhong Navarro), bilang isang cook sa isang restaurant, pareho silang nakaharap sa mabigat na suliranin. Si Cass ay hinahabol ng
may-ari ng pasugalan na si Mr. Roma (Tonton Gutierrez) dahil sa nasunog nitong koleksiyon (na hindi nilinaw sa pelikula ang halaga) at si Cary naman ay ang halos tumatayong
tagapagtaguyod at tagapag-alaga ng isang dosenang kapatid. Sa gitna ng kanilang problema, ipinatawag sila ni Doña Gracia (Gloria Romero), isang mayamang biyuda na nalulungkot
sa kanyang buhay. Kinumbida silang manirahan sa kanyang piling sa pagbabakasakaling isa kina Cass o Cary ay ang kanyang hinahanap na apo. Dito'y masusubok ang tunay na
pagkatao ng dalawa sa gitna ng biglaang pagbabago at pag-unlad ng kanilang buhay.
Kauna-unahang pelikula ng Violett Films ang Cass & Cary. Sa gitna ng
naghihingalong industriya, nakakatuwang mayroon pa ring ilan na ginustong sumubok at sumugal dito. Ikinagagalak din ng CINEMA na isang katatawan at hindi bold ang
napili nitong paksa bilang pangunahing handog.
Ngunit kumbaga sa sugarol, naging segurista pa rin ang prodyuser ng pelikula sa paggamit ng gasgas na pormula ng komedya: habulan, kidnapan, goons, toilet humor, karikatura,
at iba pa. Ang pelikulang ito ay may ilang kahinaan sa larangan ng teknikal.. tulad ng may kalabuan ng istorya pati na ang editing kung kaya't mahirap subaybayan ang
daloy ng kuwento. Mahina din ang direksyon at kahit na sinamahan ng mga artistang may pangalan na, bukod kay Gloria Romero, ang mga ito ay di naman nabigyan ng eksenang
makapagpapakitang gilas.
Ang mahusay na pagganap ni Gloria Romero sa karakter ni Doña Gracia ay natabunan ng maraming
eksenang karahasan at pagbabalewalang halaga sa kababaihan na ginagawa lamang dekorasyon at nananatili lang sa likod ng anumang mahahalagang pangyayari sa buhay ng
kalalakihan. Hindi rin naging malinaw ang tayo ng pelikula sa tema ng pera, sugal, at kapalaran. Ang pangalawang titulo nitong "Who Wants to be a Billionaire" ay dapat sanang
paghamon sa pagpapahalaga ng masa sa pera at yaman sa panahon ng krisis at kahirapan, ngunit hindi ito lubusang napagtagumpayan sapagkat abala ang manunulat nito't direktor
(Jose N. Carreon) sa mga eksenang magbibigay lamang ng panandaliang aliw sa mga manonood. Kailan kaya iaangat ng komedya sa pelikula ang ating sensibilidad sa katatawanang
ating mapag-iisipan at hindi pulos katatawang panandalian na kung susumahin ay walang kabuluhan?
(Date reviewed: June 7, 2002)
|