|
Nagkahiwalay ng landas ang magkababatang si Anton (Jericho Rosales) at Marian (Kristine Hermosa)
nang mag-aral ang binata sa Maynila at ang dalaga ay naiwan sa Bulacan upang doon na lang magtapos ng pagka-guro. Si Marian ang namamahala sa manggahan ni Don Alejandro
Cordero (Nestor de Villa), lolo ni Anton. Nagkasakit si Don Alejandro at kinailangang umuwi ni Anton sa Bulacan. Sa muling pagkikita ng magkababata, maraming pagbabago ang
naganap lalo na sa binata. Subalit hindi nga ba matitinag ng pag-ibig ang pangarap ng binatang maging isang tanyag at mayamang inhinyero sa Maynila?
Sino bang manonood ang hindi hahanga sa piniling location para sa Forevermore? Pinaganda
pa ito ng mahusay na sinematograpiya ni Ricardo Trofeo at ang maipagmamalaking directorial debut ni John-D Lazatin. Maayos ang editing at magaling ang production design. At pakinggan ninyo ang mga piniling awitin—may appeal sa
bata at matanda. Kung matino ang bahaging teknikal, ganoon din ang masasabi sa nilalaman. Simple lang ang kuwento ng pag-ibig, hindi ma-drama, walang sex, at walang
nakakabagabag sa manonood. Wholesome ang love team ni Kristine at Jericho at binigyan nila ng buhay ang bawat papel na ginampanan nila. Walang kupas pa rin si
Nestor de Villa at ang iba pang senior stars na gumanap sa pelikula.
Nakatutuwang sundan ang isang pag-iibigan na nagsisimula pa lang yumabong. Ngunit paano nga ba magagawa
itong panghabangbuhay? Simple lang ang mensahe ng pelikula: pairalin ang pag-ibig na malaya—hindi makasarili o mapag-imbot, marunong umunawa at magbigay, naghihintay ng may
pag-asa. Ang tunay na pag-ibig ay hindi kayang tapatan ng lahat ng kayaman sa mundo pagkat ang totoong kayamanan ay nasa puso ng nagmamahal. Totoo man o hindi ang
pinaniniwalaang "alamat ng matamis na mangga," nandoon ang katotohanan na ang isang tapat at malalim na pag-iibigan ay biyaya para sa lahat—sa tao, sa mga bagay, at mga
pangyayari. May isa pang mapupulot sa kuwento: totoong may yaman ang marangyang buhay sa Maynila, subalit may yaman din sa nililang na lupa lalo na kung ito ay pinuhunan ng
sipag at pagmamahal.
(Date reviewed: June 28, 2002)
|