|
Si Kaye (Joyce Jimenez) ay hindi mayaman, ngunit siya'y kaakit-akit at siyang dinudumog na salesgirl sa isang perfume counter. Isa
sa mga suki ni Kaye ay ang kanyang napapanaginipang guwapong mayamang playboy na si Jonas (Piolo Pascual). Pakyawan kung bumili ito ng pabango para sa kanyang maraming girlfriend, kung
kaya't ng magkabukuhan sila sa counter ni Kaye, ay pinagsampal-sampal ng mga babae ang kawawang Jonas. Pinangaralan si Jonas ng kanyang kuya sa kanyang paglalaro sa mga
babae, hanggang sa nauwi ito sa isang pustahan na hindi kaya ni Jonas na magkaroon ng isang makahulugang relasyon. At ang naging biktima ng pustahan ay si Kaye. Kaya ba ng
isang simpleng Kaye ang mga larong walang pakundangan ng mayayaman?
Nagtambalan dito ang "crush ng bayan" (Piolo Pascual) at ang "fantasia ng kalalakihan" (Joyce Jimenez) at maganda ang naging chemistry nila.
Bagay sila sa kanilang mga papel, hindi OA at natural ang kanilang pagganap. Maayos din naman ang pagganap ng kanilang mga kasama, at minsan muling pinakita ni Gloria Romero
ang walang kupas niyang kakayanan. Simple lang ang nakakatuwang love story ng dalawa at pihadong hindi kakaunting aliw at kilig ang idudulot nito sa kanilang maraming fans, maging
bata o di na kabataan.
Bukod sa pag-ibig ng magsing-irog, ipinakita din ng pelikula ang pagmamahalan sa pamilya, katulad
ng magandang relasyon ni Kaye sa kanyang lola at ang pagpapatuloy ni Jonas ng charity work ng kanyang nasirang ama. Ganoon din ang walang sawang tulungan ng
magkakaibigan sa oras ng pangangailangan. Nandiyan din ang pagpapatunay na kahit mga simpleng bagay tulad ng pagsakay sa karetela o pagkain ng fishball sa sidewalk ay
maaaring magdulot ng kasiyahan. At ang pinakamahalagang aral sa lahat ay ang paggalang sa kababaihan at ang masamang maibubunga nito kapag ito'y hindi ginawa.. Ang babae ay
hindi isang laruan na kunwari'y minamahal, at isasangtabi na lamang pagpinagsawaan. At lalong hindi puwedeng gamitin ang madamdamin nilang mga puso sa isang katuwaang
pustahan. Maganda na sana ang daloy ng buong kuwento, kaya langbakit kinailangan pang isalarawan ang uso ngunit hindi tamang premarital sex?
(Date reviewed: June 14, 2002)
|