|
Pansamantalang iniwan ng rebeldeng si Bernard (Leandro Baldemor) ang asawang si Ligaya (Halina
Perez) upang harapin ang isang misyon. Sa kanyang pag-iisa, ang likas na mabait na si Ligaya ay nanatiling tapat sa asawa. Hindi niya pinansin ang tsismis na balang araw ay
maghahanap siya ng ibang lalaki. Maraming pagkakataon din na naiwasan niya ang mga lalaking nais magsamantala sa kanya. Nabalitaan niyang napatay si Bernard ng mga pulis sa
isang enkuwentro. Upang iwasan ang lungkot na dinaranas at ang masakit na panghuhusga ng mga taga San Bartolome, sumama siya sa dating kasintahang si Mark (John Apacible).
Dito nagsimula ang masalimuot na buhay ni Ligaya.
Patuloy pa rin ang ilan sa ating mga prodyuser sa paggamit ng pormulang 4H halik, hubad, higa,
hingal tulad ng Ligaya
Pantasya ng Bayan. May kuwento sana at aral na mapupulot, pero nagdudumilat pa rin ang katotohanan na ito ay isang sex film. Mabilis
ang editing ng buong istorya, pero hindi na-edit ang anim na napakahabang eksena sa pagtatalik. Magaling si Odette Khan sa kanyang papel at ang binatilyong si
Rocky Ramirez ay tila may ibubuga sa pag-arte kung hahawakan ng isang batikang direktor.
Nais ipakita ng kuwento ang masamang epekto ng maling paghusga sa kapuwa. At sa gitna ng mga
intriga at tsismis, dapat lang na manatili tayong mapagkumbaba at mapagpatawad tulad ni Ligaya. Sa loob ng 95 minuto ng pelikula, maraming eksena si Halina Perez na nasa
kama naghuhubad, nakikipagtalik, humahalinghing. Kung ang gumaganap ay kilalang bold star forever makikita pa kaya ng manonood ang mabuting aral sa kuwentong
Ligaya
Pantasya ng Bayan? Maiisip pa kaya ng manonood na tingnan ang moral ng kuwento? Ang pagtatalik ay tunay lamang na nagiging marangal hindi lamang
sa dalawang nagmamahalan kundi sa dalawang pinagsama ng Diyos sa kasal. Malinaw na ginamit si Halina upang makahatak ng mas maraming manonood. Nakakabagabag ang eksenang ayaw
patuluyin sa kapilya ng mga tinatawag na "tagapangalaga ng moralidad" ang isang makasalanang GRO. Samantala, paglalasing o suicide ang itinuturo ng kuwento bilang
solusyon sa isang mabigat na problema. Hindi nakakahinayang kung hindi mo mapapanood ang pelikulang ito.
(Date reviewed: May 31, 2002)
|