|
Ang kasaysayan ng pelikulang ito na sa kasalukuyan ay pinipilahan sa takilya ay tungkol sa
dalawang magkapatid na si Cita (Sharon Cuneta) at Liza (Judy Ann Santos). Si Cita ay isang kilalang doktor sa pagpapaanak, mapagmahal na asawa kay Bobby (Christopher de Leon)
at napakamagiliw na ina sa kaisa-isang niyang anak na si Justin. Higit sa lahat siya ay napakatulungin sa kanyang kapatid na si Liza at sa kanyang asawang si Mike (Dingdong
Dantes) at sa kanilang dalawang anak na si Marco at Miguel. Napakaganda ng samahan ng dalawang pamilya ng biglang dumating ang isang trahedya: nalunod at namatay si Justin at
si Marco sa isang outing, at ito ay ibinintang ni Cita sa kapabayaan ni Liza.
Hindi matanggap ni Cita ang pagkamatay ng anak at dahil dito nabago ang buhay nilang mag-asawa
(sila'y nagkahiwalay) at magkapatid. Matindi ang galit ni Cita sa kapatid at dahil dito ay hindi na niya itinuloy ang pagtulong dito kung kaya't inabot ng kahirapan sila Liza
hanggang nagkasakit ng mabigat ang anak nitong si Miguel. Sinamantala ni Cita ang kahirapan nila Liza ng hiningi niya si Miguel bilang kapalit ng kanyang pumanaw na anak.
Walang nagawa si Liza kung hindi pumayag sa kabila ng pagtanggi ng kanyang asawa sa paniniwala na ang isang anak ay hindi dapat mawalay sa magulang. Ano kaya ang hahantungan
ng ganitong sitwasyon? Mababalik pa kaya sa dati ang samahan at pagmamahalan ng dalawang magkapatid at mag-asawang Cita at Bobby?
Ang pelikula ay maganda ang pagkakagawa, tama ang mga eksena, at diyalogo. Magaling ang mga
artistang nagsiganap dito at bagay na bagay sila sa kani-kanilang mga papel. Ang pelikulang ito ay magandang aral sa mga pamilya. Ang magkakapatid ay dapat laging nagmamahalan
at nagtutulungan. Ang mag-asawa naman ay dapat laging magmahalan at magdamayan sa hirap at sa ginhawa. Sana'y dumami pa ang ganitong mga panoorin na nakapagbibigay ng
inspirasyon at magagandang aral.
(Date reviewed: June 14, 2002)
|