|
Apat na magkaibigansina Mike (Joel Torre), Ric (Jeffrey Quizon), Al (Ronnie Lazaro), at Boyong
(Dodos de la Cruz)ang nagkaisang magkitang muli pagkaraan ng maraming taon sa hangaring singilin si Tatang (Jaime Fabregas) sa kanyang utang sa kanilang lahat na naging
dahilan ng pagkasira-sira ng kanilang buhay. At dito nagsimula ang isang napakahabang biyahe ng pagtatanong, paghahanap, at pagsasaliksik kung saan-saang kasuluksulukan ng
mundo sa paghahanap ng napakailap na si Tatang. Ano kaya ang naghihintay sa dulo ng kanilang mahabang paglalakbay na ito?
Kakaiba ang pelikulang Utang ni Tatang sa lahat ng mga entries sa Manila Film Festival 2002. Walang pantasya, sex scenes, ligawang pa-cute, kantahang
walang katapusan, ga-baldeng iyakan, karahasan ng bala at kamao, at iba pang mga eksena na tipikal sa pelikulang Pilipino. Ang pelikulang ito ay kahanga-hanga bilang low-budget
experimental film. Mahusay ang mga gumanap. Maipagmamalaki ang visual effects, sinematograpiya, at ang inilapat na musika. Dahil sa maayos ang aspetong teknikal,
napaka-epektibo ng pag-sustain ng suspense sa kuwento. Kailangan ng malalim na paguunawa sa kuwento para ito ay maibigan.
Makahulugan ang huling eksena ng pelikula, na matipid sa usapan. Ito ang nagbigay ng tunay na
mensahe ng kuwento: walang idudulot na mabuti ang paghihiganti. Dito mo rin mauunawain ang palasak ng kasabihang "ibaon sa limot ang pangit na nakaraan para ikaw ay makasulong
ng may kapayapaan sa iyong buhay." At kung ano man ang dulo at kinahinatnan ng iyong paglalakbay, mahalaga din ang ginawa mo habang ikaw ay naglalakbay.
(Date reviewed: June 14, 2002)
|