|
Nang mabaril ni Major Ruben Medrano (FPJ) ang ilan niyang sundalo dala ng init ng ulo, siya'y
sinuspinde. Umuwi siya sa kanilang bayan sa pag-asang mahuhuli at makapaghihiganti sa pumaslang sa kanyang mahal na kabiyak, na may mga limang taon na ang nakaraan. Sa kanyang
pagbalik, malaki ang tampo ng kanyang kaisa-isang anak na si Marissa (Kaye Abad) dahil iniwan niya ito ng walang ha ni ho sa pag-aaruga ng kanyang hipag na si Mariel (Dina
Bonnevie). Ang iniwan naman niyang bayan ay naging pugad ng droga, sugal, at kotongan ng mga namumuno. Kaya't ang unang planong paghihiganti ay nauwi sa kaliwa't kanang
patayan sa pagtatanggol ng mga naliligaw at naaapi. Hanggang kailan kaya maiiligtas ni Major ang kanyang sarili sa maraming kalaban na nawalan ng dilihensya?
Ito ang unang pelikula ni FPJ sa dalawang taon at siya mismo ang nagdirihe nito sa pangalang
Ronwaldo Reyes. Kaya't napakahaba ang pila sa sinehan ng kanyang mga nananabik na die hard fans. At hindi naman sila nabigo. Kahit may edad na si FPJ, maliksi at
magaling pa rin umarte. Totoong kakaiba ang dating ng Da King. Mahusay ang pagganap ni Bonnevie at isang promising star naman si Abad. Simple ang storya, pero kung makaminsa'y may mga pagtatagpong hindi makatotohanan. Datapwa't nakabawi naman ito sa kahali-halinang mga kuha sa Cordillera at sa kundimang ginamit bilang background ng mga eksenang emosyonal.
Napakaganda ang ipinahiwatig na relasyon ng magkakapamilya sa pelikulang ito, at ito'y nailarawan
sa maraming aral: tulad ng payo ni Fr. Roland (Ricardo Cepeda) sa kanyang kapatid na Major na huwag ilagay ang batas sa sariling kamay. Ang payo naman ni Major sa pari ay
hindi na siya dapat makiramay sa paghihiganti at ng hindi mabahiran ang kanyang pagiging alagad ng Diyos. Pinaliwanag ni Mariel sa pamangkin na unawain niya sana na ang lahat
ng ginagawa ng kanyang ama ay para sa kanyang kabutihan at kaligtasan. Sa gitna ng magagandang aral at payo kung saan marami naman ang sinunod ng mga pinayuhan, marami ding
pinakitang madugong patayan at paghihiganti. Maaaring isipin ng manonood na makatuwiran ang walang tigil na pagpapatay ni Major, ngunit ang batas ng lansangan ay hindi tunay
na hustisya. Lalo na't hindi naipamalas ng pelikula ang kinahinatnan ni Major sa napakarami niyang nailigpit na masasamang loob. Sa lantarang masasamang record ng ilang
mga pulis at namumuno, kailan kaya natin maaaninag man lamang ang matagal na nating minimithing katarungan at kapayapaan?
(Date reviewed: March 1, 2002)
|