|
Madalas magtagpo ng landas ang wedding planner na si Toni (Claudine Barreto) at ang photographer na
si Lorenz (Rico Yan) dahil iisa ang linya ng kanilang trabahokasalan. Galit ang dalaga sa photographer dahilan sa madalas siyang kunan ng larawan na nasa sitwasyong
nakakahiya, ang ilan nito ay nalagay sa magazine Lifeasia. Dahil dito natuklasan ang kahusayan ni Lorenz bilang photographer kung kaya ang magasin ay naging
interesado na ilarawan at gawan ng storya si Toni. Napilitan si Lorenz na humingi ng permiso kay Toni na tinanggihan nito sa una, subalit pumayag na din ng mangako si Lorenz
na hindi na siya muling gagambalain at ihahanap pa siya ng date na maging mailap sa kanya. Pagkatapos ng ilang trial dates, inisip na lang ni Toni na
itigil na lang ito kaya't naghanap ulit si Lorenz ng perfect date para sa kanya at ito ay si Perry (Dominic Ochoa). Ininsayo ni Lorenz si Toni kung paano magiging matagumpay ang date nila
ni Perry subalit naramdaman nila na sila pala ay nagkakagustuhan na sa isat-isa. Ang balakid lamang ay naniniwala si Lorenz na ang pag-ibig ay hindi forever at si Toni
naman ay hangad ang pag-ibig na walang hanggan. Magkatuluyan kaya sila?
Ang Got 2 Believe ay isang pelikulang may temang romansa na hinaluan ng komedi at kaunting drama.
Bagama't ilan sa mga eksena ay nagpapaalala sa pelikulang Wedding Planner. Ang mahahahabang dating scenes na ang layunin ay magpatawa ay hindi nakatulong sa
pelikula dahil hindi katawa-tawa. Kapansin-pansin din sa mga nanonood ang pagpapalit ng eksena na nakabawas sa maayos na daloy ng kuwento. Ganun pa man, masasabing tagumpay
ang pelikula sa casting nito. Bagay at epektibo sa kanilang papel sina Claudine Barreto at Rico Yan. Hindi rin pahuhuli si Vhong Navarro na napakanatural sa kanyang mga
eksenang nagpapakita ng iba't-ibang emosyon. Nagbigay din ng maayos na suporta ang lahat ng kasali sa pelikula.
Ang tema ay love story, na ang nais ay pakiligin ang mga manonood sa tambalang Claudine
Barreto at Rico Yan. Sa kabila nito, ay maraming makikitang eksena ng magandang kaugalian gaya ng pagsuporta ng pamilya nito sa kagustuhang makapag-asawa upang lumigaya. Ang
pagpapakita ng tunay na kahulugan na pakikipagkaibigan, magandang relasyon ng bawat miyembro ng pamilya at pagpapahalaga sa mga anak. Higit sa lahat ipinarating ang mensahe
na, "Ang tunay at wakas na pag-ibig ay walang pagkupas at hindi tumitingin sa pisikal, sapagkat ito ay lumilipas kundi ito ay tumitibay at lalong pinaglalapit ang dalawang
taong tunay na nagmamahalan."
(Date reviewed: March 1, 2002)
|