|
Pangarap ng ina ni Myrna (Aya Medel) na makapag-asawa ng mayaman ang dalaga. Katunayan, ito ang
kanyang bukang bibig tuwing may dukhang manliligaw kay Myrna. Naging kasintahan ni Myrna si Ariel, hindi dahil sa ito ay mayaman, kundi dahil tunay naman niyang mahal ang
binata. Samantala, ang Kuya Segundo ni Ariel ay nagkaroon ng relasyon sa kanyang sekretaryang si Cora (Sydney Segovia) na nailihim sa asawang si Adela (Yda Manzano).
Ang nobyo ni Cora ang bukod tanging nakakaalam ng relasyon dahil ibig nilang gatasan ang mayamang negosyante.
Ang Bukang Bibig
ay may mga kuwentong kinapapalooban ng mga tauhan at pangyayari na maaring maganap sa tunay na buhay. Subalit walang isang katuwiran na makapagtutuhog sa mga kuwentong ito upang maging isang makahulugang istorya. At gawa ng dami ng mga malalaswang eksena sa pelikula, maiisip ng manonood na binuo lamang ito para maging behikulo na naman ng kalaswaan. Marahil sa paniniwala ng prodyuser, "ang seksing eksena, kikita sa takilya."
Para sa isang tunay na Kristiyano, mayroon ding ilang mga bagay sa kuwento na makabubuting
mapag-isipan.
Una, ipinapakita dito ang iba't ibang uri ng mga magulang na pumipigil, sumisira, nagtataguyod o nagpapaganda sa kinabukasan ng anak. Kung ikaw ay isang magulang, sa anong uri ng magulang mo nakikita ang iyong sarili? Pangalawa, matututunan sa kuwento na ang pangangalunya at extra-marital affair ay hindi kailanman nagdudulot ng kabutihan sa buhay—magandang panatilihing sagrado ang pagsasama ng mag-asawa. Dapat ding maging malinis ang relasyon ng mga magkasintahan bago sila humarap sa altar. Ngunit tila hindi ang mga aral na ito ang ibig tumbukin ng
Bukang Bibig
kungdi ang "pagpapakilala" na naman ng bagong mukha sa larangan ng paghuhubad, bagay na dapat ikabahala ng publikong tumatangkilik sa ganitong uri ng mga palabas.
(Date reviewed: May 3, 2002)
|