|
Nang mamatay ang kaisa-isang mahal ni Gene Ynfante (Piolo Pascual) sa isang aksidente sa dagat,
hindi niya napatawad ang kanyang sarili. Mahigit sampung taon na ang nakakalipas ngunit nanatiling sariwa ang malalim na sugat na iniwan ng karanasang ito sa kanya, kasabay ng
pagkawala ng kanyang tiwala sa Diyos, sa ibang tao, at sa pag-ibig. Kaya naman itinuon na lamang ni Gene ang kanyang sarili sa pagpapalago ng kanyang negosyong events management.
Nagpakalunod na lamang siya sa tagumpay pati na sa kaakibat nitong luho at kaswal na seks kung kani-kaninong babae. Laking tuwa din niya ng isang araw ay malaman niyang
may malaki siyang mamanahing yaman sa kanyang nasirang lola (Armida Siguion-Reyna).
Ngunit bago mapasakanya ang yaman ay may isang kondisyon: kailangan niyang kumpletuhin ang siyam na Simbang Gabi, bagay na matagal na niyang hindi ginagawa. Mapipilitan siyang gawin ito alang-alang sa mana at dito ay makikilala niya si Elise (Donita Rose), isang maganda at mabait na pre-school teacher na magpapabago ng kanyang pananaw sa buhay, pananampalataya at pagmamahal.
Hindi madalas na nakakagawa ng pelikulang tumatalakay sa pananampalataya at relihiyon ng hindi nagiging
sermon at dito ay matagumpay ang 9 Mornings sa paghahatid ng mensahe. Hindi tulad ng ibang love stories na nanlilimahid sa pag-ibig ang kuwento. Mahusay ang pagdaloy ng pelikula at buong-buo ang kaluluwa nito na mararamdaman mula umpisa hanggang wakas ng palabas. Maraming linya sa pelikula ang hindi malilimutan. Mahusay ang pagganap ng lahat ng artista mula sa bida hanggang sa mga pangalawang tauhan ngunit ang natural na pagganap ni Donita Rose ang siyang mas nakabibighani. Mahusay ang lahat ng aspetong teknikal ng pelikula mula sa galaw at kuha ng camera hanggang sa tunog at musika na magpapaluha, magpapatawa at magpapakilig sa manonood. Isang tunay na pelikulang "feel-good" ang
9 Mornings na mag-iiwan ng magaan na pakiramdam matapos itong mapanood.
Sa biglang tingin ay aakalaing isang panibagong kuwentong pag-ibig lang ang 9 Mornings.
Ngunit sa likod ng kilig, ang tunay na buod ng pelikula ay tumatalakay sa kontemporaryong pananaw sa pananampalataya ng mga Katoliko. Isa na rito ang feministang
pagsusuri ng karakter ni Tara (Belinda Panelo), na isang pintor, sa tunay na
katauhan ng Diyos, at ang paghahanap ni Gene ng isang tunay na Diyos na dapat sana'y nagbigay sa kanya ng himala. Kaakibat nito ang pagususuri ng tunay nilang intensiyon sa pagsunod sa mga lumang kagawian na kagaya ng simbang gabi. Maaring totoo nga na hindi dalisay sa simula ang mga intensiyon, ngunit sa grasya ng Diyos, ito'y nababago at nagiging dalisay din. Ang mahalaga'y patuloy ang paniniwala at walang sawang pinag-aaralan at pinag-iisipan ang pananampalataya. Sa kabuuan, malinaw na ipinahayag ng pelikula ang mga tunay na mahahalaga sa buhay: ginintuang kalooban, pananampalataya at relasyon sa Diyos, pagtulong sa kapwa, mapagmahal na pamilya, at tunay na pag-ibig. Sa gitna ng kaabalahan ng marami sa pagtatamo ng "tagumpay" sa buhay, narito ang isang pelikulang nagsasabing ang tunay na tagumpay ay nasusukat lamang sa paggawa ng kabutihan.
(Date reviewed: October 18, 2002)
|