|
Si Esper (Gina Alajar) ang tanging nakaligtas sa kanilang magkakapatid mula sa isang sumpa na
sila'y mamamatay pagsapit ng kanilang ika-18 kaarawan. Maaari lamang labanan ang sumpang ito sa tulong ng mahiwagang singsing ni lola (Gloria Romero) na isinuot ni Esper
sa pagsapit ng kanyang ika-18 kaarawan.
Lumipas ang maraming taon, ang sumpa'y nanatili sa kanilang angkan, kung kaya't pagsapit ng ika-17 kaarawan ng kanyang anak na si Vik (Maxene Magalona), agad hinanap ni Esper ang singsing upang paghandaan ang banta ng sumpa. Laking gulat niya nang malaman niyang ito'y isinanla ng kanyang asawang si Fidel (Joel Torre) at hindi na natubos. Hinanap ni Esper ang singsing. Nang malaman niyang ito'y nabili ni Mrs. Santos (Maritoni Fernandez), hindi niya ito tinigilan at ginawa ang lahat ng paraan upang mabawi ang singsing alang-alang sa buhay ni Vik. Ngunit hindi akalain ni Esper na hindi magiging madali para sa kanya ang gawin ito sapagkat una sa lahat ay walang naniniwala sa kanya, maging ang kanyang asawa.
Nilayon ng Singsing ni Lola
na payabungin ang tradisyon ng pagbibigay-aliw sa paraan ng paghahalo ng comedy at horror. Malinis ang sinematograpiya, mahusay ang tunog at pawang
batikan ang mga artistang nagsiganap sa pelikula. Ngunit malaki ang problema ng pelikula kung kuwento ang pag-uusapan. Manipis ang kuwento ng Singsing ni Lola at predictable ang
takbo ng istorya. Pumalpak ang pormulang takot-at-tawa, pagkat nakaagaw-pansin ang mga special effects at higit na lumutang ang aspetong katatawanan kaysa sa katatakutan ng pelikula. Sa madaling salita, hindi ito nakakapanindig-balahibo—bagay na kakatwa para sa isang horror film.
Sa kabila ng kakulangan ng pelikula kung kuwento ang pag-uusapan, may konting aral din naman ang
pelikula. Matatagpuan dito ang iba't-ibang pamamaraan ng pagpapatunay ng mga ina ng pag-aaruga nila sa kanilang anak: tulad ng isang singsing, ito'y walang
hangganan—nasa hukay na'y ginagabayan pa ang anak, hahamakin ang lahat mailigtas lamang (o maipaghiganti) ang anak.
Inilalahad din ng pelikula ang kawalang-saysay ng poot at paghihiganti, at binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatawad. Ngunit kailangang banggiting muli dito ng CINEMA na hindi mairerekomenda bilang GP ang isang pelikula dahil lamang sa mukhang "harmless" ito o walang "bomba". Ang tema ng
Singsing ni Lola ay umiinog sa isang sumpa, bagay na hindi madaling ipaliwanang sa mga bata, lalo na't nakababahala ang pagpapakita ng pelikula ng kapangyarihang
itim ng mga sumpa. Huwag nating bale-walain ang epekto ng isang pelikula sa guniguni o mga murang isipan ng mga bata—di tayo dapat magtaka kung matapos manood ng Singsing
ni Lola, ang ating mga anak ay maging matatakutin sa dilim, sa sementeryo, o sa pusang itim.
(Date reviewed: October 31, 2002)
|