|
Si Jerick (Allen Dizon) ay kabilang sa kilalang angkan ng mga babaerong sabungero: ang kanyang
Lolo Gorio (Berting Labra) na mahilig pa ring mangalabit ng babae kahit 80 anyos na, at ang kanyang amang si Mang Ador (Lito Legaspi) na kinamumuhian niya dahil sa idinulot
nitong luha at lungkot sa ina niyang si Aling Puring. Dahil "nasa dugo" niya diumano ang pagiging palikero, hindi pa magkasya kay Jerick ang pagkakaroon ng isang
mabuting maybahay, si Joanne (Halina Perez), na diumano'y mahal na mahal niya't di ipagpapalit kaninuman.
Bagama't may tangkang magpakatino na mula nang mag-asawa, hindi naglaon ay "bumigay" na din siya—hindi nga ipinagpalit ang asawa ngunit nagkaroon naman ng kabit na prosti, at nakabuntis pa ng katulong.
Sa sabong, ang tinutukoy ng katagang Tukaan ay dalawang manok na nagtutukaan sa laban, at
kadalasan ito'y nau-uwi sa 'tukaan to death.' Ngunit dahil ito ang pamagat ng pelikula ng mga ilang bold star, ay mahuhulaan na ng manonood na ito'y 'tukaan to
ecstacy.' May istorya naman, ayos na din ang direksiyon, at pwede na ang pagganap nina Dizon at Perez, lalo na ang mga beteranong artistang sina Khan at
Legaspi. Ngunit nandiyan pa din ang kabagalan ng daloy ng kuwento, at ilang ligaw na eksena na hindi naman kailangan.
Ang Tukaan na tinutukoy sa pamagat ng pelikula ay dalawang bagay: tukaan ng mga panabong
na tandang, at tukaan bilang pagtatalik. Maganda na sana ang mensaheng napapaloob sa kuwento—na malinaw na isinisiwalat sa diyalogo—ngunit kung susuriing mabuti,
hindi "buo ang isip" at hindi maliwanag ang pakay ng sumulat nito.
Ano ba talaga ang gusto niyang sabihin? Na masama ang masama, o wala tayong magagawa kundi tanggapin ang mali? Halimbawa, sa mga salita ni Aling Puring, ang maling paniniwala (na ang pambabae ay "nasa dugo" at hindi malalabanan ng babaero) ay masama. Sabandang dulo ng istorya, ang mismong ama ang nagsalita sa anak na maaari pa niyang labanan ang tukso at baguhin ang kanyang buhay pagka't bata pa siya. Sa kabila ng masasalimuot na mga pangyayari, ipinakitang nananaig ang kabutihan at kapatawaran ng Diyos at tao, pagkat umaayos na ang buhay nilang lahat. Ngunit bakit sa huling eksena ay nakikipagkindatan na naman si Jerick sa isang tuksong babae samantalang binubulungan nito ang asawa na talagang siya lang talaga ang babae sa buhay niya? Pinagtatawanan ba ng
Tukaan ang sakramento ng pag-aasawa, o ang dalisay na pag-ibig ni Joanne sa pamamagitan ng pagsasalarawan na tanga ang babae? Mahalaga ang katapusan ng istorya ng
kahit anong pelikula, sapagkat ito ay naglalahad ng kabuluhang mananatili sa isipan ng manonood. Ang katapusan ng Tukaan
ay tila nagsasabing walang kamatayan ang dimonyo—o ang masama ay higit na makapangyarihan kaysa mabuti. Kahit ang 40 anyos na manonood ay maaaring malito sa mensahe ng Tukaan. Kung panonoorin ninyo ito, siguraduhin ninyong matatag ang inyong pananalig sa Diyos at pagkapit sa kabutihan.
(Date reviewed: September 20, 2002)
|