|
Bumalik sa Pilipinas mula sa 20 taong pamumuhay sa Amerika si Joey (Dina Bonnevie) upang
dalawin ang kanyang inang si Maggie (Laurice Guillen) na may sakit na cancer. Buong pananabik siyang sinalubong ng kanyang mga matatalik na kaibigang si Maritess (Cherry
Pie Picache), Kathy (Jean Garcia) at Sylvia (Eula Valdez), kasama ng anak ni Maritess na si Levi (Jericho Rosales) na siyang nagmamaneho ng kotse. Di naglaon, sa
kanilang mga pagdiriwang, nagkabukasan ng loob ang apat na babae at pumangibabaw ang kani-kaniyang mga suliranin sa buhay. Si Sylvia ay iniwan ng asawang kumabit sa
isang bakla.
Ang anak ni Marites ay nabuntis sa pagkadalaga, samantalang ang anak naman niyang lalaki ay natuklasan niyang bakla pala. Si Kathy naman ay hindi na makaahon sa pagbebenta ng aliw sa mga banyaga, samantalang ang anak niyang dalaga ay humaling na humaling sa baklang anak ni Maritess. Si Joey na hanggang ngayo'y dalaga pa ay kinababaliwan naman ni Levi, at sa kagustuhan niyang layuan siya ng binata ay naisiwalat niya na si L:evi ay ampon lamang ni Maritess, at si Joey pa ang nagligtas kay Levi noong sanggol pa lamang ito at sabay na namatay ang mga magulang ng lalaki sa kamay ng mga NPA. Ipinagtapat ni Joey na ang ama lamang ni Levi ang tanging lalaking inibig niya sa buong buhay niya, bagay na lalo naming nagpaalab sa damdamin ni Levi na nanumpang ibibigay niya ang pag-ibig na hindi naisukli ng kanyang ama kay Joey. Nadarang si Joey sa init ng damdamin ni Levi at napaibig na rin ito sa binata.
Iningatan ng pelikulang gawing maganda sa paningin ang mga sets—makukulay ang mga eksena at
kasuotan, tama ang lighting effects at mahusay ding umanggulo ang kamera. Ngunit naging balakid sa pagkamakatotohanan ng pelikula ang dami ng "bidang artista" nito—hindi nito makumbinsi ang manonood na ang kuwentong ito'y maaaring mangyari sa tunay na buhay, lalo na't kung overacting
ang mga ito. Ang nagingibabaw ay ang mga artistang pawang "malalakas ang dating"—tuloy nagsisilbing anino na lamang nila ang mga tauhang ginagampanan nila.
Sinikap ng Noon at Ngayon
na salaminin ang makabagong pananaw ng mga Pilipino ngunit nagtagumpay lamang ito sa pagsasalarawan ng isang masalimuot na kuwentong hitik sa mga usbong na hindi naman namukadkad. Malalalim sana ang mga isyung ninais nitong talakayin ngunit naging mababaw ang pagtalakay sa mga ito. Sa kagustuhan marahil nila na gawing "malaman" ang pelikula, isiniksik nila sa loob ng dalawang oras ang mabibigat na paksang tulad ng pagkabakla, paghiuhiwalay ng mag-asawa, pagiging dalagang ina, pagtanggap sa pagkakasakit bilang kalooban ng Diyos, pag-unawa sa "kaibahan" ng bawa't isa, atbp. Pinilit ng pelikula na isilid ang isang salop na bigas sa loob ng isang kamay. Ang naging resulta tuloy ay napakaraming eksena ng iyakan ngunit wala naming pagsisisi; napakamagilas na pagtatanggol sa sariling paninindigan ngunit wala namang direksyong patutunguhan. Ang isipang bubot ay di malayong marahuyo sa mga nakasisirang pananaw sinaling ngunit di binigyang katuwiran o paliwanag ng
Noon at Ngayon.
(Date Reviewed: August 15, 2003)
|