|
Muling binalikan ni Tata (Mark Gil) ang mga alaalang iniwan ng kanyang isinarang kabaret.
Isinalaysay niya sa kanyang pamangkin na si Martin (Mark Anthony Fernandez) ang mga sandali ng pinaghalong lungkot at ligaya noong mga panahong tumatakbo pa ang kanyang
negosyo sa tulong na rin at sa piling ng kanyang mga belyas (mga babaing isinasayaw ng mga kalalakihang parokyano na kanila ring inaaliw). Mananariwa ang mga alaala ng
bawat kuwento ng mga belyas sa kabaret ni Tata. Si Naty (Pinky Amador) ang pinakamatandang belyas na nagsilbi na ring recruiter ng mga baguhan. Ang anak niyang si
Iris ay nais sundan ang kanyang yapak ngunit tutol siya dito. Nasa poder din ni Naty ang iba pang belyas na may kani-kaniyang kuwento: si Jenny na kapatid ni Sonia
(Sofia Valdes); si Nina (Julia Lopez); si Pilar at si Jenny na nagbelyas upang matulungan ang pamilya.
Ang kanilang mga buhay ay nagsanga-sanga at umikot sa loob at labas ng kabaret.
Isang masalimuot na tangka ang pelikulang Sa Piling ng mga Belyas. Bagama't pinilit
itong bigyan ng isang elementong magtatagpi-tagpi sa bawat kuwento ng mga belyas, naging sabog pa rin ang resulta nito. Bagama't may iisang punto de bista, ang napakaraming
tauhan sa kuwento ang pangunahing butas at problema ng pelikula. Nasayang lamang ang husay ng ilang batikang aktor tulad nina Mark Gil, Mark Anthony Fernandez at Pinky Amador.
Ang mga baguhang Violet Belles naman ay nangangailangan pa ng ibayong paghasa sa pag-arte. Malaki rin ang kakulangan ng pelikula sa disenyong pamproduksiyon. Hindi malaman
kung ano ba talaga ang panahon na inilalarawan sa pelikula.
Minsan ay mukhang makaluma ang mga tauhan, kung minsan naman ay makabago. Kung panahon nga ng mga belyas ito, dapat lamang sa dekada 70 (kung hindi mas una pa) ang ayos ng mga tauhan at kapaligiran.
Hindi maliwanag ang mensaheng nais iparating ng pelikula sa usaping pagbe-belyas na naging
talamak noon.
Ninais ihayag ng pelikula na walang masama sa trabaho ng isang belyas, na ito ay isang marangal na hanapbuhay. Sa parehong tono ay nais nilang iangat ang dangal ng mga kababaihan. Ngunit taliwas naman ito sa mga eksena ng hubaran na ipinakita sa pelikula. Malinaw na naging bentahe pa rin nila ang matapang na pagtatalop ng mga baguhang artistang babae. Sinabi rin sa pelikula na ang babae ay iginagalang at inilalagay sa pedestal. Sa karakter ni Tata ay totoo ito, ngunit hindi sa karamihan ng tauhan na ipinakita sa kuwento. Hindi rin naitaas ang babae sa kabuuan ng pelikula, sa halip ay naging katawa-tawa pa ang ilan sa mga ito. At muli ay naguumigting ang gasgas nang palusot ng ilan sa mga kababaihan na walang ibang puhunan kundi ang kanilang katawan.
(Date reviewed: August 1, 2003)
|