|
Nang paslangin ang Tsinoy tycoon na si Antonio Chan (Christopher de Leon), nagbalik muli ang multo
ng nakaraan at nabunyag ang mga pinakatatagong lihim ng kanyang angkan. Sa kanyang burol ay muling nagkita-kita ang kanyang tatlong asawa, sina Sol (Susan Roces), Lui Shiu
(Zsa Zsa Padilla) at Belinda (Lorna Tolentino). Si Sol, ang tanging Pilipina sa mga asawa, ay matagal nang hindi nakita ni Antonio mula ng makipaghiwalay ito sa kanya dahil
hindi matanggap ang pagkakaroon nito ng bagong kalaguyong si Belinda. Naiwan kay Antonio ang dalawang anak na babae ni Sol (Judy Ann Santos, Carmina Villaroel) at sa kay Sol
naman lumaki si Lian (Cogie Domingo) ang panganay na lalaki ni Antonio na hindi agad kinilalang anak sa pag-aakalang anak ni Sol sa ibang lalaki. Sa gitna ng pagtatalo kung
sino ang legal na asawa at pamilya ni Antonio, pati na rin sa kung sino ang nararapat na maging tagapagmana ng kanyang yaman, lumabas sa imbestigasyon na si Sol ang utak ng
pamamaslang kay Antonio sapagkat ito ang may matinding galit sa asawa. Si Belinda naman ang pinaghinalaang utak ng frame-up na ito kay Sol sapagkat gagawin niyang lahat
upang mapasakanya ang yaman ni Antonio. Si Lui Shiu naman, ang babaeng pilit ipinakasal kay Antonio sa China, ay pilit ipinaglaban ang kanyang karapatan bilang legal na
asawa matapos nitong magpaka-martir sa mahabang panahon.
Isang sanga-sanga ngunit simpleng kuwento ng isang malawak na angkang Tsinoy ang Mano Po 2.
Hindi tulad sa naunang Mano Po ng isang pamilya lamang ang sentro, umiinog ang kuwento kay Antonio, at isang katangiang ng kulturang Tsino, ang pagkakaroon ng higit sa
isang asawa. Bagama't mahusay ang pagkakaedit, magarbo ang produksiyon, at malinis ang sinematograpiya, malaki ang kahinaan ng pelikula sa paglalahad ng istorya sa dahilang
hindi nito nagawang tumutok sa isang mabigat na problema na susundan at magpapaantig sa mga manonood. Lumabas tuloy na isang simpleng paglalahad lamang ang Mano Po 2
na hindi nagawang itaas ng bahagdan ng emosyon na nararapat sa isang pelikula. Marami ring karakter ang labis na napabayaan dahil sa sobrang dami ng mga tauhan sa pinilit bigyan ng kani-kaniyang sandali sa pelikula. Saying at pawang mahuhusay pa naman ang mga nagsiganap.
Tanggap sa kulturang Tsino ang pagakakaroon ng higit sa isang asawa. Ngunit maliwanag sa
pelikula na si Antonio at Sol ay ikinasal sa simbahang Katoliko na kailanma'y hindi pinahihintulutan ang pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa kung kaya't napilitang
makipaghiwalay si Sol gaano man niya kamahal ang asawa. Hindi lamang naging malinaw ang pelikula sa usaping moral na ito sa parte ni Antonio na mas pinili pang makisama sa
isang kalaguyo at binigyan pa ng labis sa pagpaparangal hanggang sa huling sandali. Hind rin nabigyan ng katarungan sa pelikula ang kanyang pagkamatay at pawang bigla rin
ang naging pagpapakamatay ng isang tauhan (Erickson) na hindi naman kabigatan ang problemang pasan. Ngunit kung susumahin ay dalisay ang mga pagpapahalagang ipinakita sa
pelikula: pagsusumikap, pagtanggap sa kapwa anuman ang lahi, pagmamahal at pagmamalasakit sa kadugo, pagpapatawaran, pagpaparaya. Sa bandang huli, and Mano Po 2
ay tungkol sa paghihilom ng mga sugat ng nakaraan ng magiging possible lamang kung bibigyang-daan ang pagmamahalan at kabutihan maging Pilipino at Tsino man.
(Date Reviewed: December 26, 2003)
|