|
Nang malugi ang kanilang negosyong sibuyasan, nagdesisyong magtrabaho si Diana (Halina Perez)
sa Japan.
Bukod sa nais niyang matulungang makaahon ang pamilya sa hirap, nais din niyang patunayan ang sariling kakahayahan sa kanyang ama (Tommy Abuel) na labis siyang inaapi dahil sa kasalanang nagawa ng kanyang ina. Tutol man sa kanyang pag-alis ang kanyang kasintahang si Jobel (Leandro Baldemor), tumuloy pa rin si Diana. Makalipas ang ilang taong pagta-trabaho sa Japan, muli siyang nagbalik dala ang bagong pagkatao pati na ang yamang naipon niya sa pagta-trabaho. Ang tumambad sa kanyang pagbabalik ay ang amang baldado at ang katotohanang si Jobel ay tuluyan nang napunta sa kanyang kapatid sa ama na si Laila (Jeanette Joaquin). Sa sobrang pait na naramdaman ay ibinaling ni Diana ang kanyang pansin sa kanilang tauhan na si Dondon (Allen Dizon) na matagal nang may pagtingin sa kanya. Hindi kalauna'y magdedesisyon naman si Leila na magtrabaho sa Taiwan. Masama ang loob ni Jobel na maiiwan sa ikalawang pagkakataon. Dito ay makakatagpo ng pagkakataon si Diana na muling angkinin ang pag-ibig na dati ay sa kanya.
Isang gasgas na tema na at wala na halos bago sa pelikulang Balat Sibuyas. Mahuhulaan
ng manonood ang mga susunod na eksena dahil sa pagiging predictable ng daloy nito. Hindi gaanong napagtuunan ng pansin ang pagtaas ng emosyon ng mga karakter bagkus ay
naging napakanipis at napakababaw ng pagtrato sa mga tauhan. Pawang mga walang ibubuga sa pag-arte ang mga pangunahing tauhan bagama't nagsusubok ng husto ang mga ito.
Halata ring abala lamang ang direktor sa mga eksenang magbibilad sa mga katawan ng mga nagsiganap na siya naman talagang pambenta ng pelikula. Nasayang tuloy ang mga dapat sana'y ikinaganda ng pelikula tulad ng mahusay na pagganap nina Tommy Abuel at ni Chanda Romero bilang nababaliw na madrasta ni Diana. Maganda sana ang mga napiling lokasyon ngunit nasayang lamang dahil hindi mahusay ang komposisyon at kuha ng kamera. Sa kabuuan ay nakababagot ang
Balat Sibuyas sa kanipisan at kababawan ng kuwento at pagkakagawa nito.
Sa simula ng pelikula'y nagnais itong maghatid ng mensahe ukol sa relasyong mag-aama at magkapatid.
Ngunit ang lahat ng ito'y natakpan ng dominanteng tema nito na nakasentro sa paikot-ikot at papalit-palit na animo'y rigodon ng relasyon nina Jobel at magkapatid na Diana at
Leila. Pawang binigyan lamang nila ng masamang pangalan at kahulugan ang salitang pagmamahal.
Naging napakababaw ng kanilang pagtingin sa pag-ibig na hindi lumagpas sa atraksyon at pagnanasang pisikal. Kung kaya't nakababahala na baka akalain ng ilang manonood ay manipis na balat sibuyas lamang ang naghihiwalay sa seks at pagmamahal. Maraming eksena ng pagtatalik ang hindi naman kailangan at hindi nakatulong sa daloy ng kuwento. Pati ang ilang eksena ng karahasan ay halos wala sa konteksto ng istorya. Sa bandang huli nama'y ninais nitong ipahatid ang kahalagahan ng pagbibigay at pagpaparaya alang-alang sa kapakanan ng iba. Ngunit dahil sa maraming maseselang eksena, ang pelikula ay nararapat lamang sa mga manonood na may hinog na kaisipan.
(Date reviewed: February 7, 2003)
|