|
Nang makulong si Buboy (Dolphy) sa salang hindi niya ginawa, hiniling niya sa asawang si
Sandra (Zsa Zsa Padilla) na sabihin sa kanilang dalawang maliliit na anak na siya ay patay na. Maraming beses na nagtangkang tumakas si Buboy ngunit lagi siyang bigo. Hanggang
sa wakas siya ay pinalaya na pagkalipas ng halos dalawampu't limang taon pagkabilanggo nang sumuko na ang tunay na salarin. Sa kagustuhang panindigan ang kasinungalingan at
upang hindi na rin guluhin pa ang isipan ng mga anak, tumira na lamang si Buboy sa isang maliit na barong-barong sa tabing-ilog. Ngunit hindi pa rin niya makayanang tiiisin
ang mga anak kung kaya't mamasukan siyang driver sa mga ito. Bagama't hindi siya kilala ng anak na si Joey (Jolina Magdangal) magaan ang loob at mahusay ang pakitungo sa kanya nito. Samantalang si Mark (Vandolph) naman ay walang-paggalang kung siya ay tratuhin. Gustuhin man ni Sandrang ipagtapat ang lahat ay pinipigilan pa rin siya ni Buboy hanggang sa ang katotohanan ay kusang lumutang sa mga di-inaasahang pagkakataon.
Gasgas na at karaniwan ang kuwento ng Home Alone Da Riber. Pati ang istilo ng komedya
at pagpapatawa nito ay pawang pinaglumaan na ng panahon. Nararapat na sigurong mag-isip si Dolphy ng panibagong putahe na magbibigay kiliti sa mga manonood tulad noong panahon
ng kanyang kasikatan. Halos walang nakakatawang eksena sa pelikula, bagkus ay mababagot ang sinumang manonood sa mga lumang pakuela na ika nga nila ay 'bumenta na..' Nariyan
pa rin ang mga karaniwang toilet humor na di na angkop sa kontemporaryong komedya at pawang nakakainsulto na sa sensibilidad ng mga manonood. Mahina ang iskrip ng pelikula na pilit isiningit ang pagpapahalaga sa kalikasan na halos walang koneksyon sa buong daloy ng kuwento. Maging ang titulo ng pelikula'y halos walang kinalaman sa sentro ng istorya. Sa halos lahat ng aspetong teknikal ay mahina ang pelikula, mula sa madilim na pag-iilaw hanggang sa karikaturang pag-arte ng mga tauhan.
Kapupulutan naman ng aral ang Home Alone Da Riber, kahit pa sabihing ang mga
pagpapahalagang ito ay inilahad sa pilit na pamamaraan. Ipinakita ng pelikula na wala ng mas dadakila pa sa pagmamahal ng magulang sa anak na handang isakripisyo ang sariling
kaligayahan alang-alang sa kapakanan ng mga anak. Iyon nga lamang, ang kasinungalingan ay kasinungalingan pa rin, anuman ang naging intensiyon upang gawin ito. Nabawi naman
nila ito sa bandang huli nang kusa na rin nilang ipagtapat ang katotohanan na siyang nagpalaya sa kanilang lahat. May malakas na mensahe rin ang pelikula ukol sa pagmamahal sa
kalikasan, lalong-lalo na sa lawa at ilog na sadyang napapanahon ngayong tunay na naghihingalo ang mga likas na yamang ibinigay sa atin ng Poong Maykapal. Ang pagmamahalan ay
nagsisimula sa pamilya ngunit hindi dapat matapos dito, bagkus, ito ay pinalalago at inihahasik sa ibang tao, lalong-lalo na sa kapakanan ng mga madalas nating makaligtaan,
isa na rito ang kalikasan. Sa kabila nito'y nararapat pa ring gabayan ang mga bata sa panonood ng pelikula na may ilang bahagi (tulad ng ilang eksena ng pagtakas sa
bilangguan) na nangangailangan ng wastong paliwanag ng mga magulang.
(Nirebyu: Enero 3, 2003)
|