|
Tapos na ang digmaan laban sa Hapon.
Tumanggi si Gregorio Magtanggol (Robin Padilla) na sumama sa kanyang mga kapwa-gerilya upang bumaba na mula sa bundok at tumulong sa military upang isaayos muli ang bayan. Ngunit dahil wala siyang tiwala sa namumuno sa grupong humihimok sa kanila, pinili ni Magtanggol na maiwan sa bulubundukin kahit mag-isa siyang tutulong sa mga mahihirap. Naibilang na 'wanted' na kriminal si Magtanggol, at may gantimpalang limampung-libong piso ang makakapatay sa kanya. Sa utos ni Heneral (Eddie Garcia), mahigpit siyang pinaghahanap ng mga sundalong pinamumunuan ni Tenyente Bartolome Zamora (Raymund Bagatsing), dating kasamahan ni Magtanggol sa laban. Ngunit lubhang madulas ang rebeldeng si Magtanggol, palibhasa'y magaling humawak ng baril, at saan man siya napapadaan, marami siyang naiiwanang bangkay ng mga sundalo. Nagtagpo ang landas ni Magtanggol at ni Yamato (Jacky Woo), isang sundalong Hapon na nagtatago rin sa pamahalaan, at lumalim ang pagkakaibigan ng dalawa sa kabila ng kanilang magkasalungat na ideyolohiya.
Lubhang napakaraming eksena ng mga barilan ang Alab ng Lahi. Katunayan, sampung
minuto nang nagbabarilan sa simula pa lamang ng pelikula ay hindi mo pa mahinuha kung ano ang tinutumbok ng mga patayang iyon. Oo nga't digmaan naman kasi ang kuwento,
ngunit sa dami ng barilan, naging mahirap tuloy sundan ang kuwento, lalo pa't mga nakauniporme ang mga gumaganap at mahirap paghiwa-hiwalayin at kilalanin ang mga tauhan sa
istorya.
Napakalikot pa ng kamera, nakakahilong panoorin ang karamihan ng mga eksena. lalo pa't sinusundan nito ang sagupaan at barilan—mag-iisip ka tuloy, nangangabayo kaya ang kameraman? Tungkol naman sa pagganap: marubdob ang pagganap ng karamihan sa mga pangunahing tauhan, at higit na kapanipaniwala ang dalawang sundalong Hapon sapagkat maganda ang pagkaka-dubbing ng Nihonggo (wikang Hapones), ngunit hindi makinis ang pagganap kay Magtanggol—nananaig ang pagkatao ni Robin Padilla sa katauhan ni Gregorio Magtanggol, bagay na nakabawas sa pagkamakatotohanan ng pelikula pagkat hindi mo mawari kung ang tao bang ito'y isang 'kanto boy' o isang bayani.
Isinasalarawan ng Alab ng Lahi ang ilang makapangyarihang damdamin ng tao na
nangingibabaw sa panahon ng digmaan, mula sa kalupitan sa kapwa hanggang sa katayugan ng adhikain sa bansa. Sa eksenang nag-uusap ang dalawang sundalong Hapon,
ipinapakita ang kagitingan ng kanilang lahi at ang pagiging tapat nila sa pinanghahawakang pananaw. Maging sa pagpapalitan ng pananaw ni Yamato at Magtanggol, sa kabila
ng kanilang pagiging "magka-away," maliwanag na may malasakit ang dalawa sa isa't-isa; maaaninag ang isang pagkakaibigan at pagkakaisa ng diwang namamagitan sa dalawa: ang
dumamay sa mga maralita. Kung ipagpapaumanhin lamang po ninyo ang mga gusot ng pelikula sa sinematograpiya, sa editing at sa pagganap, maaaring matagpuan ninyo ang
kabuluhan ng Alab ng Lahi.
Gawing paksa sa pag-uusap ng inyong pamilya o sa silid-aralan ang mga isinasalarawan nitong mga kabuluhan: katapatan sa adhikain, katatagan ng paninindigan, damdamin para sa dukha, atbp.
(Nirebyu: Hunyo 20, 2003)
|