|
Nang makasuhan si Nieves (Melanie Marquez) sa pagkakapatay niya sa nagtangkang gumahasa sa
kanyang anak na si Mila (Aleck Bovick), wala itong ibang natakbuhan kundi si Ramon Cortez (Eddie Gutierrez) na isang mayaman at maimpluwensiyang tao sa kanilang lugar.
Nakalaya si Nieves sa tulong ni Ramon kung kaya't tuluyan na itong pumayag nang hingin ni Ramon ang kamay ni Mila upang magpakasal. Lingid sa kaalaman ni Nieves ay magkasintahan na sina Mila at Alex (Ace Espinosa) na isang pulis, kung kaya't kahit kasal na si Mila kay Ramon ay nakikipagkita pa rin ito kay Alex na tunay niyang mahal. Taliwas sa magandang pakitungo ni Ramon kay Nieves, masama ang trato nito kay Mila. Walang kamalay-malay sina Mila na ang pakakalakal ng bawal na gamot ang tunay na negosyo ni Ramon. Magkukunwaring namasukan si Alex kay Ramon upang ito'y manmanan kasabay na rin nang patuloy niyang pagiging malapit kay Mila kahit pa ang kanilang pagkikita ay pawang mga hiram na sandali lamang. Sa bandang huli'y tatangkain na rin ni Mila na makatakas nang tuluyan kay Ramon sa tulong na rin ni Alex, ngunit paano?
Walang masyadong bagong inihain ang pelikulang Hiram. Nasayang lamang ang
paggamit nila sa titulo at sa klasikong awitin ni George Canseco dahil wala namang koneksiyon ang awitin sa kabuuang kuwento ng pelikula.
Nasayang din ang kahusayan ng mga nagsiganap dahil hindi gaanong naisalarawan ang kanilang mga karakter. Naging mababaw at manipis ang kuwento ng bawat tauhan. Maging ang pangunahing karakter ni Aleck Bovick ay hindi nabigyang linaw. Anong klase ba talagang babae si Mila? Paminsan siya ay konserbatibo, paminsan naman ay taliwas at walang malinaw na dahilan. Marami ring tauhan ang maaaring alisin at hindi pa rin maaapektuhan ang buong kuwento. Ang takbo ng istorya ay madalas sumasabog at nawawala sa tunay na sentro nito. Bagama't artistiko ang pagkakakuha sa ilang eksena ng hubaran at pagtatalik, hindi ito mahalaga sa kabuuan ng kuwento. Naging pambenta lamang ang mga eksenang ito sa takilya.
Maayos sana ang intensiyon ng pelikulang ipakita ng kabuktutan ng industriya ng droga, ngunit
hindi ito ang naging sentro ng kuwento.
Naituon ang pelikula sa relasyon nina Mila at Alex na sa simula't-simula pa lamang ay pawang bawal at nanatiling bawal hanggang sa huling sandali. Bagama't naroon ang mensaheng dapat ipaglaban ang tunay na pag-ibig, nakababahala pa rin ang magiging kabuuang impluwensiya nito sa mga makakanood sapagkat hindi naging malinaw ang ugat kung gaano kalalim ang pagmamahalan ng dalawa. Sapat na bang dahilan ang masayang samahan sa kama? Ito ba ang pundasyon ng pag-ibig? Kailan nagiging tama ang pakikiapid? Tama rin bang suwayin ang mga pangaral ng magulang sa ngalan ng pag-ibig? May mga mensahe naman ang pelikula ukol sa pagsasakrepisyo at pagpapakabayani ngunit sadyang matatabunan ang mga ito ng mga eksena ng pagtatalop, pagtatalik at malabis na karahasan na ang intensiyon lamang ay akitin ang mga manonood. Nararapat lamang na panoorin ang pelikula ng mga nasa hustong gulang na at may sapat ng pang-unawa patungkol sa maseselang tema na tinalakay sa pelikula.
(Nirebyu: Mayo 23, 2003)
|