|
Walong taon na ang nakakaraan nang iwan ni Dennis (Richard Gomez) ang asawang si Joanne
(Sharon Cuneta) upang sundan ang kanyang unang pag-ibig na si Celine (Miriam Quiambao) sa Amerika. Nasaktan man at nahirapan sa pag-iwan sa kanya ni Dennis, kaakibat pa nito
ang pagkuha ni Dennis sa anak nilang si Lara (Charina Scott), nagpatuloy ang buhay kay Joanne at nakatagpo na rin siya ng panibagong pag-ibig kay Teddy (Paolo Bediones).
Laking gulat niya nang muling magpakita si Dennis at sabihin nito sa kanya na siya ay magpapakasal na kay Celine at kinakailangan nito ang kanyang kooperasyon upang mapa-annull ang kanilang naunang kasal. Sa umpisa'y labis ang poot na namayani kay Joanne sa pakikitungo nito kay Dennis, ngunit masaya na rin siya sapagkat nakita na rin niya at nakasama ang anak na matagal na nahiwalay sa kanya. Sa kabilang banda, nang malaman ni Dennis na may naiwan siyang anak kay Joanne, na si Stephen (King Alcala), nagbago rin ang pakitungo niya dito. Muling magbabalik ang mga dati nilang nararamdamang pagmamahal sa isa't-isa na para bang nais nilang ibalik ang nakaraan. Ngunit paano na ang kanilang mga kasalukuyang pag-ibig?
Isang makabagong uri ng pagsasalarawan ng problemang mag-asawa ang Walang Kapalit na
hindi nakulong sa melodramatikong kumbensiyon ng pagkukuwento. Nakatulong ng malaki ang tamang paglapat ng tunog upang magbigay ng kurot sa puso ang ilang eksena. Sa
kabila nito'y naging napaka-ordinaryo ng dating ng pelikula sa kabuuan. Tipikal ang mga kuha ng kamera at pag-iilaw. May ilang mga sablay din sa editing na
nakagambala sa daloy ng pelikula.
Isang tipikal na Sharon Cuneta at Richard Gomez ang mapapanood dito. Bagama't natural, hindi pa rin gaanong epektibo ang kanilang pagganap bilang mga karakter, bagkus, ay nakulong sila sa kani-kanilang isteryotipikal na imahe bilang artista. Kitang-kita rin ang kamay ng manunulat sa kuwento na pawang alam mong may isang puwersang humila at bumubuo ng istorya. Resulta tuloy ay isang predictable na kuwento ang
Walang Kapalit.
Sa kabila ng kakulangan ng pelikula sa aspetong teknikal, hindi naman ito matatawaran sa
malinis niyang layon na magbigay ng postibong mensahe ukol sa buhay mag-asawa at sa pagpapakasal bilang isang panghabambuhay na pangako.
Pinahalagahan sa pelikula ang pamilya bilang isang sandigan ng matatag na pagkatao. Maaring isang pagkakamali ang pagtatagpo at pagpapakasal nina Dennis at Joanne sa simula ngunit ang grasyang ibinasbas sa kanila sa araw ng kanilang pagpapakasal ang siyang di-naglaon ay namayani sa kanilang mga puso. Nagkanya-kanya man sila ng landas, sa bandang huli'y mapapatunayan na hindi kailanman mapaghihiwalay ng tao ang dalawang pusong pinagbuklod ng Diyos.
(Nirebyu: Mayo 16, 2003)
|