|
Sina Lilia (Rose Valencia), Lea (Tina Shields), at Lynn (Jeanette Joaquin) ay pawang mga empleyada
ng isang resort. Wala silang kaugnayan sa isat-isa liban sa pare-parehas silang nasa problemadong sitwasyon. Si Lilia ay nagtitiis sa piling ng kanyang playboy na
boyfriend na si Dave (Jake Montecarlo) na harap-harapan kung siya ay pagtaksilan. Si Lea naman ay nagpapakamartir sa kanyang maluhong kasintahan na si Gerard (Nixon Cruz) na
garapalan siyang ginagatasan. Samantalang si Lynn naman ay masaya na sana sa piling ng asawang si Mico (Mon Confiado) ngunit hindi pa rin nito maialis na ito ay isang bakla
at paminsan-minsan ay nadadarang sa tukso at multo ng nakaraan. Sa paglipas ng mga araw ay magdadaan sila sa napakaraming pagsubok. Mapagtagumpayan kaya nila ang mga
ito?
Walang bagong inihain ang Ako, Siya o Ikaw. Tulad sa inaasahan, pawang mga gasgas ng
kuwento ng pag-ibig ang laman ng pelikula. Hindi man lang nagtangka ang direktor na bigyan ng bagong bihis ang talamak nang mga kuwento. Maging ang karakterisasyon ng
mga tauhan ay pawang hilaw, maliban lamang sa matapat ng pagganap ni Mon Confiado bilang bading na talaga namang may lalim. Kailangan pang hasain ng kaunti sina Rose Valencia
at Jeanette Joaquin pagdating sa pagganap ng pawang may ibubuga naman ngunit hindi nabigyan ng magagandang proyekto. Hindi maliwanag ang kalugaran ng pelikula. Ito ba
ay siyudad o sa probinsya? Nagiging kakatwa tuloy ang pelikula sa pangkalahatan bukod pa sa di maayos na pag-iilaw at malabo ang kuha ng kamera.
Hindi maitatatwang puno ng mga eksena ng pagtatalik ang pelikula. Ang mga pangunahing
tauhan, maliban kay Lynn, ay pawang mga hindi kasal ngunit aktibo sa relasyong sekswal. Lalong hindi katanggap-tanggap ang ibigay ang pagkababae sa kung kani-kanino
alang-alang sa bulag na pagmamahal sa nobyo tulad ng ginawa ni Lea na nagnais isagip sa kapahamakan ang kasintahan at pagtakpan ang pagkakamali nito. Hindi rin kaaya-aya ang
talamak na ipangalandakang dalawang magkasabay ang kasintahan at sabay pa itong ikinakama. Nasaan na ang pagpapahalaga sa sagradong relasyon? Ang tatlong pangunahing
tauhan sa kuwento ay pawang mga isteryotipikal na paglalarawan sa mga kababaihan bilang mga martir at mahihina. Pinaiigting nito ang mababang pagtingin sa mga kababaihan na
dapat nang baguhin. Bagama't ipinakita rin ng pelikula na ang lahat ay maaaring bigyan ng pagkakataong magbago at sa bandang huli'y tunay na lumigaya, hindi pa rin maiaalis
na mas nakalalamang ang kabuuan nito sa pagdidiin ng mga maling imahe ng kababaihan sa lipunan. Higit sa lahat, ang pagpapahalaga sa kadalisayan ng katawan at kalooban
at tungkulin ng bawat "ako, siya, at ikaw.
(Date Reviewed: November 28, 2003)
|