|
Si Pauleen (Diana Zubiri) ay isang liberated woman, pati na ang kanyang mga kabarkadang
sina Trixie (Francine Prieto), Frankie (Rodel Velayo) at Katrina (Tuesday Vargas). Sa kani-kanilang liberated
na pananaw, naiiba ang kay Pauleen sapagkat ang kanyang pagiging liberated
ay nangangahulugang walang pakundangan sa sasabihin ng ibat basta't masunod lamang ang hilig ng kanyang katawan. Walang trabaho at walang direksyon ang buhay, kung kani-kaninong lalaki siya pumapatol basta't kanya itong matipuhan. Naging malaking dagok sa kanya nang hiwalayan siya ng kanyang nobyong si Tony (Christian Vasquez) dahil nahuli siya nitong nakikipagtalik sa ibang lalaki. Niligawan ni Tony si Trixie at ang dalawa'y nagkatuluyan. Lingid sa kanilang kaalaman, labis pa rin ang pagkagusto ni Pauleen kay Tony. Kung kaya't nang nakitaan nito ng butas ang relasyon ng dalawa, siya ay nanghimasok upang guluhin ito. Saan kaya siya dadalhin ng kanyang
liberated na pananaw sa buhay at relasyon?
May istorya ang Liberated, at sinikap pa nga nitong magbigay-aral, ngunit hindi naging
kapani-paniwala ito gawa ng maraming mga kakulangan. Sa parting teknikal, hindi pambihira ang pelikula—sa katunayan pa nga ay kulang sa maraming aspeto, tulad ng editing,
tunog, atbp. May mga eksenang panggulo lamang sa istorya ngunit pangiliti sa manonood, tulad ng "panghahagip" ng mga bakla. Hindi rin consistent ang sinematograpiya—kapag eksenang-kama, pinipilit nitong maging makasining, ngunit sa iba naman ay karaniwan lamang. Masasabing tapat ang pag-arte ng mga pangunahing tauhan, subalit hindi rin naman maikakaila na walang gasinong hinihinging kakayahan ang kanilang mga papel maliban lamang sa kakayahang maghantad ng katawan at "makipagtalik" sa harap ng kamera.
Sa parting moral, maraming katanungang ipinupukol ang Liberated
sa mga manonood: Gusto ba nitong sabihin na walang ibubungang mabuti ang pagiging "liberated" ng mga babaeng tulad ni Pauleen? Kung gayon, bakit tila ginawa pa ng pelikulang maging "bida" siya pagkatapos ng kanyang pagpapakamatay (na matatawag nating isang supreme
ego trip), at palabasin pang masama ang kanyang mga kaibigan na ang ninais lamang ay maituwid ang kanyang buhay? Hindi yata wasto na noong nabubuhay pa siya ay wala siyang pakialam kung ano ang iisipin o daramdamin ng kanyang mga kaibigan, habang patuloy siya sa pagkalango at pagkahayok sa lalaki, pagkatapos ay mag-iiwan siya ng isang suicide note na nagsesermon sa mga kaibigan niyang hindi naman siya masasagot na? Ang kumitil sa sariling buhay kailanman ay hindi mabibigyang katuwiran ng turo ng Simbahan. Ngunit sa
Liberated, ang makasariling desisyong ito ay pinalabas pang kabayanihan. Ang isa pang bagay na dapat suriin sa pelikula ay ang magiging bunga nito sa murang isipan na
nagpapalagay na ang pagiging liberated ay ang pagwawalang bahala sa kanyang kilos at isipan. Ginagawa rin ng pelikulang maging labis na kaakit-akit ang pagtatalik sa labas ng kasal sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga eksenang sinisipulan at ikinakatakam ng mga lalaking manonood. Pinaninindigan ng CINEMA na buong ingat nating limiin ang mga "nauusong salita" sa makabagong panahon tulad ng "liberation," atbp. Huwag nating kalimutan na ang mga turo ng ating Panginoon ay ang una't huling batayan na katotohanan. Ang pagiging liberated kailanman ay hindi dapat maitulad sa "lisensya" upang gumawa ng kahit anong ibigin mo, kundi ang pagkalaya sa kasinungalingan at kasamaan.
(Date Reviewed: November 7, 2003)
|