|
Umiikot ang kwento sa isang prominenteng pamilya sa San Miguel, Bulakan. Si Lola Susanna (Anita
Linda) may tatlong apo na sina Jojo (Emilio Garcia), ambisyoso, dominante at may halong pagkamuhi kay Marvin, si Marvin (Gardo Versoza), mabait, mapagkumbaba, at si Olive (Ana
Capri) na may lihim na itinatago. Dahil sa pagkatao ni Jojo, lahat ng kanyang maibigan, pera man o babae, ay kanyang nakukuha kahit sa paanong paraan. Wala siyang
kabusugan sa mga makamundong bagay, ngunit bigo siya kay Adora (Red Riviera) na kanyang tunay na mahal–-sapagkat si Marvin ang minamahal ni Adora. Ang balak ni Jojo ay
agawin kay Marvin si Adora kahit na mag-asawa na sila sa pamamagitan ng panggigipit at panlilinlang. Nagkunyari si Jojo na wala siyang kinalaman sa mga kamalasan ng
mag-asawa tulad ng pagkasunog ng kanilang bahay at pagtanggal ni Marvin sa trabaho sa munisipyo. Bagkus pinalabas niya na matulungin siya sa mga ito. Dumating ang panahon na
may mabigat na suliranin ang pamilya ni Adora at wala rin siyang matakbuhan kundi si Jojo. Labis na ikinatuwa ni Jojo ang mga pangyayari dahil lalong nababaon sa utang sa
kanya ang mag-asawa. Sa mga pagsubok na hinahaharap nila, hanggang kailan kaya tatagal ang pag-ibig nina Adora at Marvin? Pera o pag-ibig ba ang dapat maging sukatan ng
isang relasyon?
Kapansin-pansin ang kahusayan ng mga pangunahing gumanap, maliban kina Halina Perez (Gemma) at Red
Riviera na nangangailangan ng pagsasanay sa pag-emote ng kanilang linya. Ang sinematograpiya sa pangkalahatan ay mahusay, maliban sa halatang pabor na binibigay ng director sa
mahusay na artista na ang kanyang mga eksena ay "artistic" ang gawa. Sa kabilang dako ang salat sa "acting ability" ay "ine-exploit"sa pamamgitan ng paghuhubad.
Paminsan-minsan maliwanag ang ilang eksena na dapat ay madilim. Ang musika naman at tunog ay akma sa mga eksena. Naliko ng landas ang kuwento dahil hindi malaman kung paano
maipapakita kung paanong mabaon sina Red sa utang na loob kay Emilio na hindi gagamit ng mga gastadong dahilan tulad ng suliranin sa pamilya.
Sinubukang talakayin ng pelikulang ito ang mga suliranin ng isang pamilya na bagay sa mundong ito
ang pinapahalagahan. Katulad ng titulo ng pelikulang ito sa wikang ingles ay "rubbing or friction" na angkop dahil sa alitan at banggaan ng magkapatid sa maraming bagay lalo
na sa pag-ibig ng isang babae. Mahirap mapulutan ng mabuting aral ang pelikula dahil puro galit, inggit, pakikiapid, pagpatay at incesto, Kung merong kabutihang
mapupulot ito ay mangilan-ngilan at parang palamuti lamang sa pelikula. Tulad ng mga eksena ni Azon (Glenda Garcia) na kahit naanakan ni Jojo, nakuha niyang magpatawad ng
kasalanan ni Jojo, mahalin pa rin ito at magtiis kahit nanakit at nambababae. Hindi masama ang yumaman ng dahil sa talino, sikap, tiyaga at patuloy na panalangin sa
Panginoon, ngunit kapag ginamit ito sa hindi tamang paraan nawawalan ng halaga ang lahat.
(Date Reviewed: October 3, 2003)
|