|
Tatlong magkakabukod na mga "kuwentito" ang bumubuo ng 1st time,
na pawang umiinog sa mga unang karanasan sa pagtatalik nina Diane (Jen Rosendahl), Cris (Gwen Garci) at Jane (Myles Hernandez). Si Diane ay may reputasyong "nagkakalat" ngunit napapaniwala niya ang kanyang barkada at dorm mates na siya ay birhen pa kahit "ang lahat ay nagawa" na niya kung kani-kaninong lalaki maliban lang sa "iyon." Bagama't mayroon siyang boyfriend, ang gusto niya diumanong maging kapareha sa "first time" ay ang basketball star na si JM, na nilalait naman siya dahil sa kanyang reputasyon. Si Cris naman ay isang TV producer na hahabol-habol sa photographer na si Chino Lee (Joel Torre) na diumano'y gusto niyang itampok sa kanyang TV show. Pumayag si Chino ngunit dahil sa akala niya'y uhaw lang sa "adventure" si Cris, ang singil niya sa babae ay ang gamitin ito sa kanyang mgapictorialsniyang
nagtatampok ng mga hubad na babae. Pinapaniwala naman ni Jane ang lahat na siya ay laging may kalaguyo nguni't nagpapatansya lamang pala siyang mag-isa sa kuwarto niya.
Matatawag na "experimental art film" ang 1st time,
at bilang gayon ay matuturingang may "pangako" ito. Alam ng pelikula kung saan ito nakatutok, at maingat na ginagamit ang sinematograpiya, lengguahe, pananamit ng mga tauhan, diyalogo, pagpili ng artista, liwanag at musika upang idiin ang mensahe nito—na ang mga pangunahing tauhang nasasangkot, na pawang mga kabataan (marahil ay) walang hihigit pa sa 25 anyos, ay walang nasasaisip kundi sex, sex, at sex.
Bagama't tadtad ng mga eksenang seksuwal ang pelikula, hindi ito maihahanay sa mga "bomba" sapagkat hindi nito itinataas sa altar ng romansa ang sex—hindi nito pinipilit
"maglaway" ang mga nanonood at maghanap ng kama, 'ika nga—bagkus ay isinasalarawan nito ang sex bilang isang katawa-tawang obsesyon ng mga tauhan. Nagtagumpay ito sa ganoong layunin sa pamamagitan ng paggamit ng iba't ibang techniques ng pagkuha, sa ilalim ng direksyon ni Lyle Sacris, 26-taong gulang na dating director sa MTV o music television.
Hindi maaaring hanapan ng "moral lesson" ang pelikula sapagkat hindi naman ito tipikal na
kuwentong may plot, motibo at resulta. Gaya nang nasabi na, tatlong mga vignettes lamang ito na naglalarawan ng katigasan ng ulo ng mga kabataang uhaw sa "adventure" at ginagawa ang gusto nila tungkol sa sex sa kabila ng mga naririnig nilang turo at babala ng mga magulang nila. Totoong may mga "bold scenes" na matatawag ang 1st time, at sa biglang tingin ay walang maidudulot na mabuting kabuluhan sa kabataan, ngunit hindi naman ibig sabihin nito'y para sa basura lamang ang pelikula. Ito'y produckto ng mga kabataan (director at mga artista), kaya't dapat pakinggan! Makabubuting pagkapanood ng pelikulang ito ay magdaos ang pamilya o klase sa eskuwela o dili kaya'y mga prayer
groups sa parokya ng mga mumunting sesyon o pulong upang himayin ang katotohanan at realismong isinasaad dito. Pakinggang mabuti ang diyologo, pansinin ang mga pananamit at kilos ng mga tauhan, upang higit na maunawaan kung bakit at paano nagkakaganito ang mga kabataan, at nang sa gayo'y maiwasan ang masamang bunga ng kanilang kakaibang pananaw.
(Date Reviewed: September 19, 2003)
|