|
Hindi masaya sa kanyang buhay may-asawa si Andrea (Ara Mina), sinasaktan siya ng kanyang asawang
si Boggs (Raymond Bagatsing) na isangsecurity guard na wala ring malasakit sa kanyang pangangailangang sekswal. Nang minsang papuntahin ni Boggs ang ka-relyebong security guard na si Tonyo (Carlos Morales) sa kanilang bahay upang dalhan ng pagkain si Andrea, magkahalong awa at bighani ang ang naramdaman ni Tonyo kay Andrea. Nakatagpo ng karamay si Andrea kay Tonyo hanggang nagkaroon sila ng sekswal na relasyon. Hindi lamang sa trabaho naging magkarelyebo sina Boggs at Tonyo, lingid sa kaalaman ni Boggs, karelyebo din niya sa asawa si Tonyo. Unti-unting lumalim ang pagnanasa ni Tonyo kay Andrea habang lalong lumalala ang pagsasama nina Boggs at Andrea. Ngunit ang pagnanasa ni Tonyo ay umabot sa sukdulan at dito ay lumabas ang tunay niyang kulay na kasing-sahol kundi man masahol pa kay Boggs. Panay ang banta ni Boggs na papatayin si Andrea kapag nahuli siyang may ibang lalaki, kasabay din ng banta ni Tonyo na magsusumbong kay Boggs kapag hindi sumama sa kanya si Andrea.
Higit sa inaasahan ang ipinamalas ng Kalabit
kung teknikal na aspeto ang pag-uusapan. Maayos ang pakakahabi ng kuwento, may laman ang dialogo, akma ang sinematograpiya at komposisyon. Hindi nga lang masyadong kapani-paniwalang sa matagal na panahon ay naitago nina Andrea at Tonyo ang kanilang relasyon samantalang ding-ding lamang ang pagitan ng kanilang bahay sa mga kapitbahay. Paanong hindi masisilip o maririnig man lang ng mga kapitbahay ang mga halinghingan ng dalawa? Lumutang naman ang kagalingan ng mga pangunahing tauhan na pawang nga premyado. Isang rebelasyon din si Alma Soriano na sadyang lumutang sa iilan niyang eksena.
Sinubukan ng Kalabit
na bigyang katwiran ang pangangalunya ng isang babaeng may asawa. Bukod sa hindi mapunan ng lalaki ang pangangailangang sekswal ng asawa, ay sinasaktan pa niya ito. Ninais ipaunawa ng pelikula na may dahilan kung bakit nagloloko ang isang babae. Maliwanag din ang mensahe ng
Kalabit
ukol sa pananakit at pang-aabuso sa mga kababaihan. Ngunit sapat nga bang dahilan ito upang mabuhay sa kasinungalingan? Nararapat bang ganti at kaparusahan ang maghanap ng kaligayahan sa kandungan ng iba? Mabibigyang katwiran ba ang pangangalunya? Isang kalabit ang pelikula sa mga asawang nambubugbog, sa mga walang pakundangan sa nararamdaman ng asawa, sa mga lalaking dahas ang sandata sa katarungan. Ngunit mas malakas pa rin ang kalabit ng pelikula sa ating lipunang binubulag ng isang maling paniniwala na ang kasalanan ay maaaring mapunan kundi man maituwid ng isa pang kasalanan. Bukod sa malabis na eksena ng hubaran, ito ang higit na mas nakababahala sa pelikula.
(Date Reviewed: September 12, 2003)
|