|
Maganda si Chona Chiong (Zsa Zsa
Padilla) bagama't nagiging kunsumida na ang itsura dahil sa pagkarindi sa pambababae ng asawang si Elton Chiong (Jay Manalo).
Hindi pa magkasya sa iisang asawa si Elton—nagkaroon pa ng kabit, si Patty (Cherie Pie Picache), kung kanino nagkaanak ito. Hindi natatago sa isa't isa na dalawa silang pamilya ni Elton. Nang maging mga teenagers na ang mga anak nila, ay naging mga magkakampi pa ang mga ito nang kumuha pa ng pangatlong "asawa" ang palikerong Elton—si Gloria (Ruffa Mae Quinto), bata, seksi, sariwa. Ang dating magka-away na mortal na si Chona at Patty ay nagkuntsaba para tumbagin ang bagong kontrabida.
Komedya diumano ang
Ako legal wife, pagkat ang kuwento ay binibigyang kulay ng mga kakatwang nangyayari kapag ang ama ng tahanan ay maraming itinatagong kalokohan.
Pero bilang komedya, nakakatawa nga ba ito? Minsan, oo; madalas, hindi. Sinikap ng mga artista na maging tapat sa pagganap, na dibdibin ang pagpapatawa, ngunit sa halip na maging nakakatawa ang pelikula, ay naging katawa-tawa ito. Iyan ang problema kapag kulang sa pagsasanay sa hindi mo sariling wika. Halimbawa, inconsistent ang tunog ni Padilla bilang isang intsik—minsa'y kapanipaniwala, minsa'y halata mong gawa-gawa lang ang tunog-intsik niya. Ganoon din ang ibang artistang kinakailangang magsalita sa wikang intsik sa pelikula.
Maraming dapat itanong tungkol sa
pelikula. Ano kaya ang gustong palabasing mensahe ng Ako legal wife? Na sa kultura ng mga intsik ay okay lang ang magkaroon ng ilang kabit ang lalaki, basta
nasusustentuhan niya ang lahat? Na hindi kailangang mag-away-away ang kanyang mga anak sapagkat… nandoon na iyon eh, di tanggapin?
Ano ang magiging buhay-may asawa ng mga kabataang ito pagdating ng panahon? Tutulad ba ang mga lalaki (bagama't ang isa'y bakla) sa ama nilang ang tanging ambisyon sa buhay ay kumita nang kumita upang matustusan ang kanyang bisyong hilig sa babae? Ang mga babae ba nama'y walang aatupagin kundi ang magpaganda at magpabata upang makuhang muli ang naglahong atensyon ng asawa? Ipinakikita ng pelikula na walang masama sa ganoong lifestyle,
bagkus ay dapat pang ipagmalaki ng lalaki, halimbawa, ang kanyang kakayahang panagutan ang kanyang hilig. Hindi mabuting mahirati ang ating mga kabataan sa ganoong
paniniwala.
(Date Reviewed: 30 December 2005)
|