|
Lubos ang kasiyahan ng mag-asawang Rupert (Dingdong Dantes) at Nina (Karylle) kasama ang kanilang
anak at ilang kasambahay sa pagkakabili nila ng isang malaking bahay sa murang halaga. Ngunit simula pa lang ay hindi na maganda ang pakiramdam ng kanilang Tita Belle
(Cheri Pie Picache) sapagkat madalas siyang mamalik-mata at nakakakita ng mga ligaw na kaluluwa sa kanilang bagong nilipatang bahay. Sa umpisa'y sunod-sunod ang dumating na
suwerte kina Rupert at Nina, ngunit nang maglaon ay pulos kamalasan na ang kanilang dinanas. Kung kaya't sinubok nilang ipa-feng shui ang bahay upang kontrahin ang mga malas. Dito nila nakilala si Amelia Go (Gloria Romero) na siyang unang may-ari ng bahay. Dito mauungkat ang ilang lihim na pinagkakatago ng malaking bahay. Sa pag-ungkat ng ilang mga lihim at sa pagsubok nina Rupert at Nina na alamin ang ugat ng pagmumulto ng mga kaluluwa ay lalo silang nauwi sa mas malaking kapahamakan.
Hindi naging matagumpay ang Bahay ni Lola 2
sa pagsubok nitong magbigay ng bagong konsepto ng horror. Kung tutuusin ay pawang mga panggagaya sa ilang mga kilalang horror movies ang karamihan sa eksena ng pelikula. Hindi lumabas na kapani-paniwala ang mga eksenang kakatakutan. Bagama't may mangilan-ngilang eksena ng pagkagulat, hindi pa rin sapat ito para masabing isang magandang horror ang pelikula. Maayos naman ang mga kuha ng kamera at mahuhusay rin ang mga nagsiganap. Ngunit sa kabuuan ay walang gaanong laman ang pelikula sa dami ng mga tanong na naghahanap ng kasagutan. Tulad na lang ng kung ano ba talaga ang tunay na motibo ng mga kaluluwang nagmumulto sa bahay. Masyado ring episodic ang pelikula at hindi maliwanag ang daloy ng damdamin kung kaya't mahina ang emosyonal na dating nito sa kabuuan.
Naging malabis ang kapangyarihan ng mga multo sa pelikula. Nagagawa pa ng mga ito ang
pumatay. Bagay na taliwas sa lohika at maging sa turo sa simbahan ukol sa kawalang lakas ng mga patay na kaluluwa sa mga buhay. Kapani-paniwala man o hindi, hindi pa
rin dapat maging labis ang lakas ng kaluluwang namatay na sa mortal na daigdig. Naging malabis din ang pagsampalataya ng pelikula sa konsepto ng suwerte o malas na ginawa na
siyang basehan ng katotohanan. Hindi malinaw ang tayo ng pelikula kung sinasabi ba nitong maniwala o wag maniwala sa mga malas or suwerte. Ang tao ang gumagawa ng
kaniyang kapalaran at hindi ang kung ano pa mang ibang puwersa. Minaliit din kung di man binalewala ng pelikula ang kapangyarihan ng Diyos na kontrolin o baguhin ang
sitwasyon. Pawang hindi sapat ang pananampalataya sa lakas ng mga multo. May mabuti namang mensahe ang pelikula sa kabuuan at iyan ay ang pagkakabuklod ng pamilya at
mag-asawa sa hirap at ginhawa, sa suwerte man o kamalasan. Wala pa ring pinakamahalaga sa mundo kundi ang pagmamahalang nakaugat sa matibay ng samahan ng pamilya.
(Date Reviewed: 18 March 2005)
|