|
Pinagtagpo sa isang kakatwang sitwasyon sina Ryan (Hero Angeles), isang nursing student na
nagpa-part-time bilang typist, at Daisy (Sandara Park), isang Koreanang nagpunta ng Pilipinas upang mag-aral ng Ingles. Nagumpisa sa inis at pagkamuhi ang naramdaman nila sa
una nilang pagkikita. Ngunit parang may kung anong bato-balaning pilit silang pinaglalapit. Hanggang sa sinimulang ligawan ni Ryan si Daisy. Bagama't nagmula sa
magkaibang lahi at kultura, masaya silang magkasama. Marami man silang hindi pinagkakasunduan, nahulog pa rin ang loob nila sa isa't-isa. Ngunit ng malaman ng ama ni
Sandara ang tungkol sa kanilang dalawa ay tumutol ito sa kanilang relasyon. S a kabila ng pagtutol na ama ay pilit pa ring ipinaglaban ni Daisy si Ryan. Sa kagustuhan ni
Ryan na gawing madali para kay Daisy ang lahat ay nakipaghiwalay siya dito nang hindi man lang nasabi kay Daisy na mahal niya ito.
Isang napaka-simple kundi man palasak na kuwentong pag-ibig ang Can This Be Love
. Tinangka man ng director na gawan ito ng bagong bihis sa pagpapakita ng ilang nakakatuwang eksenang tunay na Pinoy, hindi pa rin nito nagawang palalimin ang isang mababaw
na kuwento. May mangilan-ngilang sundot at sosyo-politikal na komentaryo ngunit hindi pa rin ito lubusang nakatulong sa kabuuan. Mahuhusay naman ang mga baguhang
nagsiganap na sina Hero Angeles at SandaraPark. Natural ang kanilang pag-arte bagama't halatang ibinagay lang sa kanila ang kanilang mga papel. Nasayang naman ang
husay ng mga beteranong artistang tulad nila Tirso Cruz III at Roderick Paulate na naging pawang palamuti lang sa kuwento. Masyado ring mababaw ang karakterisasyon ng mga
pangunahing tauhan kung kaya't sa kabuuan ay malamlam ang resulta ng pelikula.
Ano nga ba ang kahulugan ng pag-ibig? Lalo na kung mula sa magkaibang daigdig ang
nag-iibigan? Ipinakita sa pelikula ang isang mukha ng pag-ibig na kakatwa ngunit totoo. Ganito nga siguro ang pag-iisip ng mga kabataan ngayon sa pagmamahal. Magkaibang
paniniwala, magkaibang ugali, ngunit magkasundo ang puso. Hindi maiaalis kailanman na magiging balakid sa pagmamahalan ang kultura at tradisyon. Ngunit pag ang
pag-ibig ay wagas, ang lahat ng ito ay malalampasan. Ito ang ilan sa mga aral na inihahain ng Can This Be Love. Kung susuriin ding maigi, malaman ang mensahe ng
pelikula ukol sa kawalang pagmamahal ng mga kabataan ngayon sa kanilang bayan. Isang uri din ng pagmamahal ang isipin ang kapakanan ng iyong pinanggalingan bago ang iyong
sarili. Marahil ito ang mas higit na pagmamahal… ang paglimot sa iyong sariling kaligayahan alang-alang sa kapakanan ng iyong minamahal.
(Date Reviewed: 28 April 2005)
|