| Ang tagalupang si Enteng Kabisote (Vic Sotto) ay napahalo muli sa alitan ng mga nilalang ng kasamaan na nagnanais maghari sa Engkantasya. Ang kapangyarihan ni Ina Magenta (G. Tongi) ang nais makuha ni Satana (Bing Loyzaga) upang tuluyan nang maghari ang kasamaan. Nagsimulang mahasik ang lagim sa mga tagalupa ng subukang maglagay ni Satana ng kemikal sa tubig inumin ng tagalupa subalit napigilan ng mga alagad ng Engkantasya. Ito ay upang mapilit si Ina Magentang isuko ang kanyang kapangyarihan. Nang di magwagi, nilagyan ng espiya ang pamilya Kabisote sa anyo ng kabayo (Michael V.) upang subaybayan ang pagdating ni Ina Magenta. Sinimulan na ding sirain ni Satana ang magandang pamilya Kabisote nang painan niya si Benok (Oyo Boy Sotto) ng isang magandang dalaga na sugo niya. Dahil sa babaing iyon naging matigas ang ulo ni Benok at sumasagot at sumusuway sa kanyang magulang. Nang dumating na si Ina Magenta, kinuha ni Satana ang pagkakataon upang dukutin ang maybahay ni Enteng at anak ni Ina Magenta na si Faye (Kristine Hermosa) para gamiting alas. Nagprisinta si Enteng na sagipin si Faye sa kamay ni Satana at handa siyang harapin ang lahat ng mga pagsubok na kanyang dadaanan. Binigyan ng taning si Ina Magenta upang isuko ang kanyang kapangyarihan.
Payak ang kwento ng pelikulang ito na tungkol sa labanan ng mga mabubuti at masasamang mga engkantado. Nagustuhan ng mga bata ang mga special effects na ginamit at ang pagpapatawa nina Vic Sotto at Michael V. Subalit kulang sa pagkapulido ang pagiging puting kabayo ni Michael V. na halatang computer generated image. May ilang eksenang masyadong maliwanag ang ilaw na dapat sana'y medyo madilim. May ilang eksenang tumatalon na mapapansin sa biglang pagbabago ng mga damit na parang iisa lamang ang eksenang ipinahihiwatig. Kailangan pang pag-igihin ni Oyo Boy ang kanyang pag-arte dahil hindi masayadong nakakapagkumbinse. Sa pangkalahatan, ito ay isang pelikulang pampamilya at nakakaaliw.
Ang pamilya ay isang institusyon na dapat inaalagaan dahil ito ay bumubuo ng isang komunidad at ng isang bayan. Makikitang may mga di pagkakaunawaan si Benok at kanyang amang si Enteng, na sa tingin ng huli ay kanya ring sala dahil sa pagsagot-sagot niya sa kanyang biyenang si Magenta. Ang mahalaga ay pagkakaunawaan at paggalang sa isa't isa. Ang pagkilala sa pagkakamali at paghingi ng tawad ay di nakakapagpababa ng pagkatao ito ngay lalong nagpapataas ng kanyang uri.
(Date
Reviewed: January 5, 2005)
|